DUTERTE NADUTERTE SA BI?

NABANGGIT ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ng ­pagpapatawag nito sa immigration officials sa Palasyo noong nakaraang taon na nasangkot sa pastillas scheme.

Matatandaang naging kontrobersyal ang isyu ng pastillas na nagdiin sa immigration officials upang sila’y makasuhan at naharap sa 6-month preventive suspension.

Pero, ano nga ba ang tunay na layunin ng mga lumutang na whistleblower at ng mga pulitikong nakisawsaw sa isyu?

Ito ba ay para sa bayan, o kagagawan ng malaking sindikato upang mahawakan ang iligal na gawain sa airport?

Ang sinasabing pinagmulan ng pastillas scheme ay ang programa noon ng Department of Tourism (DOT) na visa upon ­arrival (VUA) na karaniwang kliyente rito ay mga Chinese national, kaya ang programang ito ay legal at ang Bureau of Immigration (BI) ang siya lamang nagpatupad.

Bakit kaya hinayaan itong hudas ng BI na nagbenta at nag-imbento ng impormasyon sa Senado na si alyas ­”Macho Chiquito” na ­humahakot ngayon ng malaking pera kada araw ito ba ang kanyang gantimpala sa paninira sa ahensya upang makakuha lamang ng puwesto sa BI?

Ang tanong: Matapos sumabog ang pastillas ay natigil ba ang katiwalian sa airport?

Hindi ba’t mas lalong lumala ang sitwasyon ngayon sa ahensya sa panahon pa ng pandemic?

Ang mga Chinese national ay gumagastos ng daang libo bago sila mabigyan ng travel exemption, pero hanggang sa airport sila pa ay nakakaranas ng bulok na pamamalakad ng ilang ­tiwaling tauhan ng BI kung saan isa na rito ang ­pangongotong ng isang tauhan ng Border Control Intelligence Unit (BCIU) na si alyas “GL” na humingi ng P1.2 ­milyon kapalit ang makapasok sa bansa hanggang sila’y nakapagbayad ng P800,000, ngunit walang nangyari at sila’y napabalik sa China at ang kanilang pera ay hindi naibalik.

Isa rin ay ang patagong pag-recall ng exclusion order sa 28 Chinese nationals sa Terminal 2 noong July 8 na nagbayad umano ng suhol na P400,000 kada ulo, o umaabot sa mahigit P11 milyon, kapalit na sila’y hindi pabalikin sa ­China at makapasok sa bansa.

Hindi ba’t ito’y isang maliwanag na korapsyon at harassment sa mga Chinese national?

Maging ang pangulo kaya ay na-Duterte ng mga taong pinagkatiwalaan n’ya?

oOo

PARA sa inyong Sumbong at Reaksyon, maaaring itext ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

127

Related posts

Leave a Comment