Sa law enforcement ops ng PNP-PRO5 ‘GUN FOR HIRE’ LAGLAG SA OPLAN PAGLALANSAG

IPINAKITA ng PNP Bicol, sa pamumuno ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, na lalong pinaigting ng buong hanay ng pulisya ang kampanya laban sa paglaganap ng hindi lisensyadong mga baril sa rehiyon, nang madakip ang lider ng Aliven gun for hire at gun running group sa bayan ng Castilla sa lalawigan ng Sorsogon.

Ito ay isinakatuparan sa pamamagitan ng “Oplan Paglalansag Omega” at “Oplan Salikop” na nagbunga sa pagkakahuli sa 50-anyos na si Alexander Lladones Aliven, lider ng Aliven gun for hire, naninirahan sa Brgy. Cumadcad, Castilla, Sorsogon.

Ayon sa ulat na isinumite kay PNP-PRO5 Regional Director Estomo, bandang alas-8:00 ng umaga noong Huwebes, sinalakay ng pinagsamang mga tauhan ng CIDG Sorsogon PFU; Castilla MPS at 504th MC RMFB5 ang kinaroroonan ng suspek sa nabanggit na lugar.

Nahuli ang suspek sa bisa ng search warrant no. 2021-30 na ibinaba ni Hon. Zach L. Zaragoza-Ziga, presiding judge ng RTC Branch 12-FC, Sorsogon City, noong Hulyo 27, 2021, sa kasong sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nakumpiska mula kay Aliven ang isang unit ng Taurus 9mm pistol na may serial no. ABH846377; dalawang steel magasin para sa 9mm; 32 bala para sa kalibre .9mm; 50 basyo ng bala para sa .9mm; isang itim na holster, at isang itim na sling bag.

Kaugnay nito, pinuri ni RD Estomo ang maagap na aksyon ng mga operatiba upang arestuhin ang naturang suspek. Aniya, walang aaksayahing oras ang PNP Bicol upang gampanan ang tungkulin nitong gawing mas ligtas ang pamayanan at pigilan ang paglaganap ng kriminalidad sa Bicol.

Samantala, isang notoryus na miyembro ng organized crime group ang nadakip ng mga tauhan Bicol PNP bilang bahagi ng Internal Cleanliness Policy ng kasalukuyang pamunuan ng Philippine National Police, na ipinatutupad ng Kasurog cops sa buong rehiyon.

Sa probinsya ng Camarines Norte, inilunsad ng mga kawani ng CIDG Camarines Norte PFU; Cam Norte 1st at 2nd PMFC; RID/RSOU5; CN PIU; at Daet MPS ang Oplan Paglalansag Omega; Oplan Big Bertha, at Oplan Siklop na nagresulta sa pagkakadakip sa isang lalaking lumabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kinilala ang suspek na si Mark Bachillar y Bonilla, 21, construction worker, residente ng Purok 3, Brgy. IV, Daet, Camarines Norte, nadakip dakong alas-5:00 ng umaga nitong Biyernes sa bisa ng search warrant no. F-34-2021 na nilagdaan ni Hon. Evan D. Dizon, executive judge ng RTC Branch 40, Daet, Camarines Norte, noong Hulyo 26, 2021.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa nasabing suspek ang isang .38 kalibreng baril, iba’t ibang klase ng mga bala, tatlong pakete ng umano’y shabu, at ilang drug paraphernalia.

Si Bachillar ay kabilang sa Alano akyat bahay gang criminal group na sangkot sa mga insidente ng pagnanakaw at pagsu-supply ng ilegal na droga sa Daet, Camarines Norte at iba pang karatig bayan ng naturang probinsya.

Kaugnay nito, pinagkalooban ng pagkilala ni RD Estomo ang mga nanguna sa nasabing operasyon, Aniya, ito ay bunga ng mahigpit na intelligence build-up at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya bago isagawa ang operasyon.

“Tunay ngang ang ating matinding pagnanais upang makamtan ang iisang hangarin tungo sa tahimik at maayos na komunidad ang ating inspirasyon upang mas paghusayin pa ang ating anti-criminality operation. Ang bawat ulat mula sa ating mamamayan ay papalitan natin ng aksyon upang iwaksi ang kriminalidad at panganib sa ating lipunan,” dagdag pa ni RD Estomo. (JESSE KABEL)

111

Related posts

Leave a Comment