LAGUNA INMATE DINAPUAN NG DELTA VARIANT

LAGUNA – Muling nadagdagan ang kaso ng COVID-19 delta variant sa lalawigan makaraang dalawang kaso ang naitala sa bayan ng Bay noong Martes, Hulyo 27.

Isa sa nasabing pasyente ay isang inmate at walang naramdamang mga sintomas o “asymptomatic”.

Bagama’t nakarekober na ito matapos dumaan sa proseso ng pagpapagaling, hindi sinabi ng Department of Health kung saan nakuha ng nasabing pasyente ang virus.

Habang ang pangalawang pasyente ay kasalukuyan nang nagpapagaling sa quarantine facility at patuloy na minomonitor ang kanyang kondisyon.

Kaugnay nito, hinikayat ng lokal na pamahalaan na magpabakuna ang nasa edad 18 pataas upang maiwasan ang naturang sakit.

Pinaalalahanan din ang publiko na huwag maging kampante at panatilihin ang health protocol upang malabanan ang virus.

Samantala, upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng Delta variant sa bansa, inilabas na ang latest community quarantine classification sa mga probinsya ng CALABARZON area (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Inilagay sa General Community Quarantine (GCQ) ang mga lalawigan ng Batangas at Quezon mula Agosto 1 hanggang 31 habang nasa General Community Quarantine with heightened restrictions naman ang mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Laguna at Lucena City simula Agosto 1 hanggang 15, 2021. (CYRILL QUILO)

 

104

Related posts

Leave a Comment