APAT katao ang naitalang namatay sa COVID-19 sa Caloocan City habang dalawa naman sa Malabon City noong Agosto 1.
Mula 1,124 noong Hulyo 30 ay umakyat sa 1,128 ang total COVID deaths ng Caloocan City, habang lumobo sa 503 ang active cases sa lungsod matapos na 50 ang nahawaan ng virus.
Sumampa na sa 39,767 ang mga tinamaan ng COVID sa siyudad, at sa nasabing bilang ay 38,136 na ang gumaling.
Pumanhik naman sa 465 ang COVID casualties ng Malabon City habang 70 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 14,238 ang positive cases sa lungsod, 461 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Baritan (4), Bayan-bayanan (6), Catmon (14), Flores (1), Hulong Duhat (16), Longos (4), Niugan (4), Potrero (5), San Agustin (7), Santulan (7), at Tinajeros (2).
Habang 29 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangay Acacia (1), Baritan (6), Catmon (1), Longos (2), Potrero (1), San Agustin (5), Santulan (6), Tañong (3), at Tinajeros (4). Sa kabuuan ay 13,312 na ang recovered patients ng Malabon.
Sumirit naman sa 340 ang active COVID cases sa Navotas City matapos na 22 ang nagpositibo sa virus habang isa ang nakarekober. Pumalo na sa 11,589 ang nasapul ng pandemya sa lungsod, kung saan 10,867 na ang gumaling at 382 na ang namatay.
Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Valenzuela City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)
179 