SINAGIP ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang 16-anyos na dalagita makaraang mamataan habang sisinghap-singhap sa isang creek sa Taguig City.
Base sa ulat ng PCG, nagresponde ang mga tauhan ng PCG mula sa NCR Central Luzon at Special Operations Force (SOF) makaraang mamataang nalulunod ang biktima sa isang creek sa Barangay Sta. Ana sa naturang lungsod noong Hulyo 24.
Napag-alaman sa report ng PCG, nakarinig ang mga tauhan ng PCG ng ingay ng mga residente sa isang creek malapit sa Taguig Integrated School (TIS) kaya agad silang kumilos para mailigtas ang dalagita.
Agad na tumalon sa creek ang mga tagapagligtas at naiahon ang dalagitang nawalan ng malay.
Mabilis na isinailalim ang dalagita sa cardiopulmonary resuscitation (CPR) hanggang sa maisuka ang tubig at nagkaroon ng malay.
Pagkaraan ay dali-dali itong isinugod sa Taguig Medical Center upang matiyak na nasa ligtas na itong kalagayan. (RENE CRISOSTOMO)
150 