CAVITE – Patay ang isang 42-anyos na lalaki makaraang saksakin at hampasin ng tipak ng bato sa ulo ng live-in partner ng kanyang dating kinakasama nang magpang-abot ang mga ito sa bahay ng babae sa Dasmariñas City noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Mateo Rivera habang arestado naman ang suspek na si Lito Cabanag, 39-anyos.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Gilbert Santos ng Dasmariñas City Police, dakong alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang insidente nang lasing na dumalaw ang biktima sa bahay ng kanyang dating kinakasama na si Maricar Anoc sa Block 35, Lot 14, Brgy. San Miguel 1 ng nasabing lungsod.
Ngunit nadatnan ng biktima ang suspek na bagong live-in partner ng ginang na agad sinita ang una.
Nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo hanggang sa kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang biktima hanggang sa ito ay matumba.
Hindi pa nakuntento ang suspek, kumuha ito ng malaking tipak ng bato at hinampas sa ulo ng biktima na nagresulta sa agarang kamatayan ng huli.
Tinangkang tumakas ng suspek ngunit naabutan siya ng nagrespondeng mga barangay tanod. (SIGFRED ADSUARA)
170 