ITINUTULAK ni Sen. Grace Poe ang pagpapalawak ng saklaw ng vaccine card para mas makagalaw ang mga nabakunahan nang indibidwal at maging madali para sa overseas Filipino workers (OFWs) na makabiyahe para sa kanilang trabaho.
“Ngayong muli na namang ipinatupad ang dalawang linggong lockdown, kailangang magkaroon ng recovery plan sa ekonomiya para hindi magsara ang mga negosyo at hindi mawalan ng trabaho ang mga tao sa gitna ng pandemya,” sabi ni Poe.
Nauna nang naghain si Poe ng Senate Bill No. 2321 para palawakin ang layunin ng vaccine card mula sa pagiging purong informative record tungo sa isang kinikilalang dokumento kung saan ang fully vaccinated na indibidwal ay maaaring gamitin ito bilang requirement abroad o sa domestic travel, alinsunod sa regulasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Dahil ‘informative’ lang ang katangian ng vaccine card tulad ng nakasaad sa batas, nananatiling hindi ito sapat na ‘proof of inoculation’ para payagan ang mamamayang makabiyahe lalo na ang OFWs na kailangang umalis ng Pilipinas para makapagtrabaho sa ibang bansa. (ESTONG REYES)
170 