HINDI maikakailang mabilis na sumisirit ang bilang ng mga nahahawahan ng COVID-19, lalo pa’t mismong ang One Hospital Command Center ang umaming mistulang umuusok ang linya ng kanilang komunikasyon sa dami ng tawag na kanilang tinatanggap mula sa mga indibidwal na humihingi ng saklolo.
Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, na siya ring tumatayong treatment czar, dumoble na ang kanilang natatanggap na tawag. Mula sa 90 naitala noong unang linggo ng Hulyo, pumalo na ito sa 175 sa nakalipas ng dalawang linggo.
Ang OHCC ang itinalagang ‘referral center’ para sa mga nagnanais ng tulong para sa ‘isolation’ ng mga hinihinalang kontaminado ng COVID-19.
“Increasing ‘yan. Ibig sabihin, may napapansing active calls na ito. Dumadami ang nagkakasakit o nahahawaan,” paliwanag ni Vega.
Pinakamaraming tawag ang natanggap ng OHCC mula sa Metro Manila na sinundan ng Region 4-A (Calabarzon) at Region 3 (Central Luzon).
Bunsod nito, nagdagdag na rin ang OHCC ng 110 tauhan para tumanggap ng mga tawag bilang tugon sa inaasahan pang pagdami ng distress calls. Mas marami na rin aniyang ‘medical coordinators’ ang nadagdag sa kanilang hanay.
“Nagtatanggap na kami ng telemedicine kung kailangan ng virtual consultation at virtual prescription puwede mangyari,” dugtong pa ni Vega.
Sa mga magpasaklolo o layon lamang ay malinawan ukol sa COVID-19, maaaring tumawag ang sa telepono bilang: 0919-977-3333; 0915-777-7777; at (02) 886 505 00. (RENE CRISOSTOMO)
164 