KUNG hindi sa smuggling, posibleng meron pang mga laboratoryo ng shabu sa Pilipinas na pinanggalingan ng droga na nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa napatay at nahuling Chinsese nationals.
Ito ang paniniwala ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers hinggil sa P1.4 billion halaga ng shabu na nakumpiska sa Chinese drug rings.
“Sigurado ‘yan mga drogang ‘yan ay ini-smuggle dito ng mga Tsinong yan na kasapakat ang mga tiwaling kawani ng Bureau of Customs, PNP (Philippine National Police) at maaring ilang tiwaling lingkod bayan,” ani Barbers.
Kung hindi naman aniya dumadaan sa BOC ang mga ini-smuggle na droga ay maaaring idinadaan ito sa mga entry point ng bansa na mahirap bantayan dahil napakahahaba ng coastal area ng Pilipinas.
Umaabot sa P1.485 billion halaga ng shabu ang nakumpiska ng PDEA sa kanilang operasyon sa Bulacan, Quezon City at Valenzuela City kamakailan kung saan napatay ang Chinese national na si Wu Zishen habang nahuli naman ang apat pa na kinilalang sina Willie Lu Tan, 42; Anton Wong, 28; Chen Zhin, 79 at Joseph Dy.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nalansag na ang mga laboratoryo ng shabu sa Pilipinas mula nang maging pangulo siya ng bansa subalit inamin din nito na marami pang droga dahil sa smuggling.
Subalit ayon kay Barbers, maaaring may laboratoryo pa sa Pilipinas na pinatatakbo ng Chinese nationals at posibleng pinanggagalingan ng kanilang ibinebentang droga.
“May mga clandestine lab pa din na maaring nago-operate dito sa bansa at mahirap na masakote kung walang suporta galing sa barangay kapitan, mayor at governors kaya’t maaring nakakalusot ito,” ani Barbers.
Ito umano ang dapat tuntunin ng PDEA at PNP upang tuluyang malansag ang problema ng droga at mabuwag ang sindikatong pinapatakbo ng mga Chinese na tila walang takot kahit nasa gitna ng war on drugs ang bansa. (BERNARD TAGUINOD)
258 