KALOKOHAN ANG PANGAKO TUNGKOL SA TAMBALANG LACSON-SOTTO

TULOY na tuloy na ang pagtakbo ni Senador Panfilo “Ping” Lacson sa pagkapangulo sa halalan sa Mayo 2022.

Si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kandidato ni Lacson sa pagkapangalawang pangulo.

Sa kasalukuyan, si Davao del Norte Rep. Pantaleon ­”Bebot” Alvarez ang masugid na nagsasalita sa media tungkol sa tambalang Lacson-Sotto.

Kinampihan na ni Alvarez si Lacson matapos niyang ‘opisyal’ na bitawan si Pangulong Rodrigo Duterte.

Opisyal na rin siyang umalis sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban).

Si Alvarez na ngayon ang pangulo ng Reporma party (Reporma) at si Lacson naman ang chairman nito.

Kailangan ni Lacson ng sariling partido sa kanyang pagtakbo patungong Malakanyang kahit inanunsiyo nilang dalawa ni Sotto ilang linggo na ang nakalilipas na kandidato sila ng Nationalist People’s Coalition (NPC) sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan dahil iba ang mayroong sariling mga ‘sundalo sa gyera’.

Iba ang sariling kampo kaysa nakikisingit.

Malapit na ring mabuo ang Senatorial slate nila matapos na isama ang dating sikat na sikat na pulitiko na isa sa mga inimbestigahan ng Senado hinggil sa katiwalian at korapsyon sa Lungsod ng Makati na si dating Bise-Presidente Jejomar Binay.

Pokaragat na ‘yan!

Ang anak ni Binay na si Nancy Binay ay kasalukuyang senadora.

Idiniin ni Alvarez na sigurado siyang sina Lacson at Sotto ang karapat-dapat na mamuno sa Pilipinas pagkatapos ni Duterte dahil mayroon silang solusyon sa napakaraming problema ng bansa.

Binanggit ni Alvarez ang coronavirus disease – 2019 (COVID-19) bilang pangunahing suliranin ng bansa.

Isinunod niya ang mahigit P11 trilyong utang ng pamahalaan sa mga pampinansiyang institusyon sa loob at labas ng bansa.

Idiniin niya na pawang malawak ang karanasan nina Lacson at Sotto sa pagiging senador na siyang napakalinaw na batayan ni Alvarez na kabisado ng dalawa ang napakatindi, napakalalim at napakalawak na mga suliranin ng Pilipinas.

Kayo na ang maghusga kung naniniwala kayo sa pahayag at palundag ni Alvarez.

Basta ako, hindi ako naniniwala.

Hindi lang naman si Alvarez ang nagpapakawala ng mga magaganda at nakatutuwang salita hinggil sa kanilang pambato sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo ng bansa sa eleksyon sa susunod na taon.

Nariyan din ang mga tagapagtanggol at tagapagsalita nina Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio, Manila Mayor Isko Moreno at Senador Emmanuel Pacquiao.

Pati nga ang namahinga na sa pulitika matapos matalo noong pampanguluhang halalan noong 2010 na si dating Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ay biglang lumitaw sa eksena para sa halalan.

At nangalampag ang isang dating mambabatas sa media kung saan pinalabas na “done deal” na raw ang pagtakbo ni Teodoro bilang bise-presidente ni Duterte – Carpio.

Maghahatid daw ng “pagbabago” ang tambalang Sara-Gibo sa bansa.

Hindi ito kinumpirma ni Carpio.

Pokaragat na ‘yan!

Sa totoo lang, hanggang pagbabasa na lang ako sa mga pahayag ng mga politiko upang malaman ko naman kung anu-ano ang pangako nila sa ganito at ganoong problema.

Hindi na talaga ako naniniwala sa kanilang sinasabi dahil hindi naman naganap kailan man.

Naniniwala akong pawang panloloko lamang ang mga pangako tungkol sa tambalang Lacson-Sotto.

Totoong beteranong mga senador ang dalawang ito, ngunit hindi kahanga-hanga ang kanilang mga ginawa sa matagal na panahon.

Hindi nila naharang ang paglaganap ng katiwalian at korapsyon kahit ilang ulit na nilang pinagtulungang imbestigahan ang mga tiwali at korap sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Hindi nila napatigil ang paglobo ng utang ng pamahalaan sa mga pampinansiyang institusyon, gayong regular na dumadaan sa Senado ang taunang badyet ng pambansa pamahalaan.

Ang utang ay kasama sa badyet, partikular ang bayad sa utang at interes nito.

oOo

CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911

288

Related posts

Leave a Comment