BATANGAS – Nasa ulo pa ng isang 6-anyos na batang lalaki ang ligaw na bala na tumama sa kanya habang naghahapunan ang pamilya sa kanilang bahay sa Purok 1, Buliran Highland, Brgy. San Mateo, sa bayan ng Sto. Tomas sa lalawigang ito, noong Lunes.
Agad ipinagbigay-alam ng nanay ng menor de edad na si Annabelle Piezas y Andrino, 23, ang insidente sa Sto. Tomas City Police Station.
Lahad ni Piezas, bandang alas-7:00 ng gabi noong Agosto 1, masayang naghahapunan ang pamilya nang makarinig sila ng malakas na putok ng baril.
Pagkaraan ay nakita nilang duguan ang ulo ng biktima na agad nilang isinugod sa Laurel District Hospital.
Makaraan ang isinagawang x-ray sa ulo ay agad inilipat ang biktima sa Batangas Medical Center.
Bagama’t nananatili pa rin sa kaliwang bahagi ng ulo ng bata ang balang tumama, ay pinalabas na ito ng ospital dahil nasa mabuti nang kondisyon.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang hindi pa kilalang suspek. (CYRILL QUILO)
219
