LARAWAN ng huwarang paglilingkod si P/BGen. Jonnel C. Estomo, bilang Regional Director ng PNP Bicol, dahil binigyang pansin ang paghahandog ng serbisyong nakikita, nagpapahalaga at nararamdaman ng bawat Bicolano.
Sa loob ng dalawang buwan niyang panunungkulan, hindi salita kundi aksyon ang mas ipinairal niya upang makamtan ang nais na katahimikan para sa pamayanan. Patunay rito ang pagkakahuli sa 12 suspek sa iba’t ibang panig ng rehiyon noong ika-2 ng Agosto ng taong kasalukuyan.
Sa probinsya ng Camarines Sur, tatlo ang nadakip ng mga operatiba ng Camarines Police Provincial Office, kabilang ang rank 10 provincial most wanted person ng naturang probinsya sa kasong rape.
Kinilala ang most wanted person na si Raymart Colorico y Rojas, 25, naaresto dakong 10:30 ng umaga sa Zone 1, Brgy. San Isidro, Pili, Camarines Sur sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba ng RTC Branch 32, Pili, Camarines Sur noong Hulyo 26, 2021.
Bandang alas-9:08 ng umaga, nasakote rin sa manhunt operation na pinangunahan ng Del Gallego MPS, katuwang ang 1st Camarines Sur PMFC, ang rank 1 municipal most wanted person ng nasabing bayan, na si Dominador Azuela y Braza, 43, nahaharap sa kasong rape.
Sa Iriga City, bagsak sa rehas na bakal ang rank 10 city most wanted person na si Gertrudes Zoilo y Loquias, 74-anyos, inaresto ng mga tauhan ng Iriga CPS dahil sa kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act o RA 7610.
Samantala, sa probinsya ng Sorsogon, tatlong akusado rin ang nadakip kabilang ang isang tinaguriang rank 4 provincial most wanted ng probinsya para sa kasong 2 counts ng murder laban sa dati umanong miyembro ng rebeldeng NPA. Nadakma sa Purok 7, Brgy. Sta. Cruz, Casiguran ng mga tauhan ng PIU Sorsogon PPO at Casiguran MPS ang most wanted suspect na kinilalang si Gringo Chan y Hainto, Greg, 33-anyos.
Habang sa bayan ng Juban, dakong alas-8:50 ng umaga nang makorner ng mga tauhan ng Juban MPS at 2nd PMFC ang rank 1 municipal most wanted person na si Jonathan Floralde y Medalla, 27, dahil sa kasong rape.
Dagdag pa rito ang pagkakahuli ng pinagsanib na mga tauhan ng Bulan MPS; 2nd PMFC, Colt 2 22IB; at Delta Company 22IB sa rank 2 most wanted person ng Bulan na si Renan Entico y Lacer.
Sa Masbate, timbog ang dalawang suspek sa pagnanakaw na pawang nasa listahan na city most wanted person ng Masbate CPS, na sina Peter Laurio y Orbiso alyas “Endoy,” at Ricky Capinig y Ocsing, 28, kapwa nahaharap sa kasong attempted and frustrated robbery. (JESSE KABEL)
203 