BUKOD sa COVID-19, pinaalalahanan din ni Gob. Daniel Fernando ang publiko na maging mapagmatyag kontra sa mapanganib na dengue lalo na ngayong tag-ulan.
Ayon sa Epidemiology and Disease Surveillance Unit ng Provincial Health Office-Public Health, nakapagtala sila ng may kabuuang 1,718 na pinaghihinalaang kaso ng dengue at tatlo ang namatay mula Enero 1 hanggang Hulyo 3, 2021.
“Manatili po tayong maalam, mapagmatyag at maingat. Ang dami po nating kalaban hindi lang ang COVID-19 na nagparalisa sa lipunan mahigit nang isang taon, hindi rin po nawawala ang dengue na malaking banta sa kalusugan nating mga Bulakenyo,” ani Fernando.
Nananawagan din ang gobernador sa pakikiisa ng mga Bulakenyo na gawin ang 4S strategy laban sa dengue kabilang ang “Suriin at Sirain ang mga pinamumugaran ng lamok sa loob at labas ng bahay; Sarili ay protektahan laban sa lamok; Sumangguni agad sa mga pagamutan o health centers kapag may sintomas ng dengue, at Suportahan ang fogging kapag may banta ng outbreak”. (ELOISA SILVERIO)
171 