Sa loob ng 2-linggong lockdown P1K CHALLENGE SA GOV’T OFFICIALS

(BERNARD TAGUINOD)

HINAMON ng Makabayan bloc sa Kamara ang mga opisyal ni Pangulong Rodrigo Duterte tulad ni Presidential Spokesman Harry Roque na patunayan na kaya nilang mabuhay sa halagang P1,000 sa loob ng dalawang linggo.

Sa press conference ng Makabayan bloc kahapon, kinuwestiyon din ng nasabing grupo ang desisyon ng Malacañang na tanging ang mga residente sa National Capital Region (NCR) ang bibigyan ng isang libong ayuda gayung maraming lugar sa bansa ang isasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) mula sa araw na ito hanggang Agosto 20.

“Ang challenge namin sa gobyerno, sige nga subukan nyong mabuhay sa dalawang linggo na isang libong piso lang ang budget nyo,” ani Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil maglalaan umano ang gobyerno ng P13.1 billion na ayuda sa mga residente ng NCR o tig-P1,000 bawat mamamayan dahil sa pagtigil ng trabaho ng mga ito.

Nais naman ni Rep. Carlos Zarate na mismong si Roque ang sumubok na mamuhay ng isang linggo na P1,000 lamang ang budget upang malaman nito ang katotohanan lalo na’t pataas nang pataas ang presyo ng mga bilihin.

Hindi rin nagustuhan ng mambabatas na tanging ang mga residente sa NCR ang bibigyan ng ayuda gayung maraming lugar sa labas ng Metro Manila ang isasailalim din sa ECQ.

“Bakit Metro Manila lang (ang bibigyan ng ayuda). Ibig ba nilang sabihin hindi kailangan ng ibang lugar (na isasailalim sa ECQ) ang ayuda?,” tanong ng mambabatas.

Tulad aniya ng mga taga-Metro Manila, mawawalan din ng kita ang mamamayan sa ibang lugar na isasailalim sa mas mahigpit na ECQ kaya hindi umano dapat pagkaitan ang mga ito ng tulong.

150

Related posts

Leave a Comment