MULING napatunayan na hindi natatakot ang mga tao sa COVID-19 vaccines bagkus ay kulang ang supply ng bakuna at limitado ang vaccination centers.
Ito ang reaksyon ni ACT party-list Rep. France Castro nang halos magkaroon ng stampede sa ilang vaccination centers sa Metro Manila sa dami ng mga taong sumugod upang mabakunahan bago mag-lockdown.
“Patunay ito na hindi hesitant ang mga Pilipino sa bakuna. Sana damihan ang mga vaccination center at vaccinators para hindi naiipon sa iisang lugar ang mga tao,” ani Castro.
Bukod dito, muling napatunayan na kulang na kulang ang supply ng bakuna kaya dinudumog ng mga tao ang vaccination centers kahit alam ng mga ito na limitado ang bilang ng mga mababakunahan.
Base sa mga report, alas dos pa lamang ng madaling araw ay dumagsa na ang mga tao sa vaccination centers sa Metro Manila lalo na sa Las Piñas kaya halos magkagulo.
Inamin naman ni Albay Rep. Joey Salceda na talagang kulang ang bakuna dahil ang mga inorder at binayaran ng gobyerno ay hindi pa dumarating lahat.
Dahil dito, umapela ang mambabatas sa gobyerno na tiyaking makararating sa lalong madaling panahon ang mga binili at binayarang bakuna at kung maaari aniya bumili ng para sa isang jab lang upang mas mabilis makamit ang herd immunity.
LGUs ang superspreader
Ikinabahala naman ni House Asst. Majority Leader Nina Taduran ang pagkakagulo ng mga tao sa vaccination sites na pinatatakbo ng LGUs na posibleng maging dahilan ng lalo pang paglala ng pandemya.
“Ang mga LGUs ang lumilikha ng super spreaders dahil hindi maayos ang kanilang vaccination procedure. Nakita na nilang nagkukumpulan ang napakaraming taong nagwo-walk in sa vaccination sites, wala pa ring ginagawa. Maiiwasan ang kumpulan kung maayos ang proseso ng pagbabakuna,” ani Taduran.
“Kung walang schedule ang pumila, bakit hindi nila bigyan ng form at bilangin na ang kakayanin ng bakunang nakahanda sa isang lugar para mapauwi na agad ang mga hindi mababakunahan?” tanong pa ng mambabatas.
Kinuwestiyon din nito ang paghuli ng San Juan Police sa anim katao na pumunta sa isang vaccination site sa Greenhills makaraang makatanggap ng text message na sila ay in-schedule na mabakunahan sa naturang lugar, na kalaunan ay natuklasang peke ang text message. (BERNARD TAGUINOD)
140 