AGARANG pinaiimbestigahan ng Anak Mindanao (AMIN) party-list ang karumal-dumal na pagpatay at pagsunog sa isang negosyanteng Muslim sa Nueva Ecija.
Naghain ng resolusyon si Anak Mindanao (AMIN) Partylist Rep. Amihilda Sangcopan para imbestigahan ang pagkidnap at pagpatay sa negosyanteng si Nadia Casar sa Nueva Ecija ng diumano’y limang pulis sa nabanggit na lalawigan.
Sa paunang imbestigasyon, sinasabing si Casar at ang driver ng nirentahang transport network vehicle service (TNVS) ay kinidnap noong July 20 sa Barangay Tagpos, Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Ninakawan umano ang drayber ng TNVS ng cellular phone at cash at pagkatapos ay pinakawalan ng mga kidnaper bandang alas-3:00 ng umaga noong July 21 at nitong August 1 (Linggo) ay nadiskubre naman ang sunog na bangkay ni Casar sa Sitio Pinagpala, Barangay Imelda Valley, Palayan City na nakasilid sa sako at ibinaon.
“We strongly condemn the brutal and monstrous killing of Casar. We condemn such utter disregard for life! Matapos nilang dukutin at paslangin ay pinagputol-putol at sinunog pa nila ang bangkay ng aming kababayang Moro. We demand that these murderers be brought before justice and pay dearly for their crimes,” dagdag pa ni Sangcopan.
Binigyang-diin pa ng kongresista na bagama’t nagpa-imbestiga na si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar noong August 3 at iniutos ang agarang pagpapatalsik sa limang pulis na sangkot umano sa pagkidnap at pagpatay ay hindi pa rin aniya sapat hangga’t hindi nakakasuhan at nabibigyan ng hustisya ang biktima.
“We appreciate the swift action of Gen. Eleazar for looking into the case and the filing of dismissal of the five involved cops, but we also want to be assured, as well as the public, Muslims or not, that this will not happen again, especially when it involves PNP uniformed men.”
Sa naunang pahayag ni Eleazar ay kinilala nito ang limang pulis na sina Staff Sgt. Benedict Matias Reyes, naka-destino sa Sta. Rosa Municipal Police Station sa Nueva Ecija; Staff Sgt. June Malillin, ng Palayan City Police Station; Cpl. Julius Alcantara, ng Nueva Ecija Provincial Police Office Drug Enforcement Unit; Master Sgt. Rowen Martin ng Cabanatuan City Police Station; at Staff Sgt. Drextemir Esmundo ng Cabiao Municipal Police Station.
Bukod sa limang pulis ay isinasangkot din umano ang dalawang sibilyan na kinilalang sina Franklin Macapagal at Dario Robarios samantalang tatlo naman sa limang pulis ay patuloy pang pinaghahanap hanggang ngayon.
Si Casar ay dating mag-aalahas na kalaunan ay naging online seller upang suportahan ang maysakit niyang magulang kung saan kasama ang kanyang mga kaanak ay sumisigaw ngayon ng hustisya at saklolo mula kay Pangulo Duterte.
“Nararamdaman namin ang galit at dalamhati ng aming kapwa-Muslim sa sinapit ng aming kapatid na tahimik lamang na nagtatrabaho para maitaguyod ang kanyang pamilya. No one deserve such atrocity, particularly from the hands of those who were supposed to serve and protect us,” sinabi pa ni Sangcopan.
Suportado naman ni Deputy Speaker Mujiv Hataman at iba pang Muslim solons ang paghahain ni Sangcopan ng resolusyon upang paimbestigahan sa Kamara ang kasong ito. (CESAR BARQUILLA)
194 