PINAREREPASO ng isang mambabatas sa Kamara ang Provincial Nutrition Action Plan ng Quezon upang palakasin ang pagtugon sa malaking problema ng malnutrisyon sa lalawigan.
Apela ito ni Rep. Helen Tan sa pamahalaang panlalawigan kaugnay ng panawagan ni Secretary Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government sa lahat ng pamahalaang lokal sa bansa na i-update ang kanilang nutrition plans kasabay ng pagpapatupad ng full devolution sa susunod na taon.
“Tunay na napapanahon ang kagyat na pagpapalakas ng mga plano at pagkilos ng ating lalawigan sa nutrisyon dahil sa mas pinalaking responsibilidad ng lokal na pamahalaan sa sektor ng kalusugan sa ilalim ng Mandanas Ruling ng Korte Suprema”, paliwanag ni Doktora Helen. Matatandaan na mas malaki ang pondo na matatanggap ng local government units (LGUs) mula sa susunod na taon alinsunod sa desisyon ng Supreme Court sa petisyong isinampa noon ni Batangas Governor Dodo Mandanas.
Binigyang diin rin ni Doktora Helen na siyang tumatayong chairperson ng committee on health ng mababang kapulungan ng Kongreso na nakababahala ang resulta ng 2019 Expanded National Nutrition Survey para sa Quezon ng Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) kung saan napag-alamang anim sa bawat 10 (61.9%) na sambahayan sa Quezon ay nakararanas acute food insecurity habang tatlo sa bawat 10 (32.2%) na sambahayan sa probinsya ay nakararanas ng chronic food insecurity. Ang food insecurity ay isang kalagayan kung saan ang isang tao ay nakararanas ng paghihirap dahil sa kakulangan ng makakain na kanyang kailangan upang maging malusog habang ang chronic food insecurity naman ay isang pangmatagalan o patuloy na kakulangan ng masustansyang pagkain.
Ipinakikita rin ng Expanded National Nutrition Survey para sa Quezon na tatlo mula sa 10 (32.2) na mga batang may edad na mas mababa sa 5 ay bansot; dalawa sa 5 (18.8) na mga batang may edad na mas mababa sa 5 ay kulang sa timbang; at isa sa 10 (14.8) na mga bata ay anemic.
Dahil dito, pormal nang pinasinayaan nina Doktora Helen Tan at Atorni Mike Tan ang ‘Enhanced Nutribun Project’ noong Hulyo na naglalayong tugunan ang lumalalang malnutrisyon sa Ika-4 na Distrito at buong probinsya ng Quezon.
Sa pakikipagtulungan ng DOST-FNRI, inilunsad nina Doktora Helen at Atorni Mike ang nasabing proyekto na sinaksihan nina DOST Secretary Fortunato Dela Pena, OIC Regional Director Emelita Bagsit ng DOST Calabarzon, Dr. Imelda Angeles-Agdeppa ng DOST-FNRI, Dr. Mario Capanzana, dating Director ng DOST-FNRI kasama ang Science Research Specialists at iba pang kawani ng DOST-FNRI at mga Barangay Health Workers at Barangay Nutrition Scholars ng Gumaca, Quezon.
Ang “Enhanced Nutribun Project” ay magsisilbing tugon sa pangangailangang nutrisyon ng mga kabataan sang-ayon sa Republic Act 11148 o “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act” na isinabatas ni Doktora Helen. Ito rin ay lubhang nakatutulong sa maraming magsasaka sa Quezon dahil ang kanilang mga pananim tulad ng kalabasa ang siyang masustansyang sangkap na pangunahing ginagamit sa paggawa ng enhanced nutribun.
241 