May apat na kaso ng Delta variant BULACAN NAIS ITAAS SA MECQ

BUNSOD ng naitalang apat na kaso ng COVID Delta variant at sa mabilis at patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease, pinaniniwalaan ng COVID Provincial Task Force na mga Delta variant na ang naitalang latest active cases sa nakalipas na 10 araw.

Kaya naman hihilingin ni Governor Daniel Fernando sa national government partikular na sa COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolutions, na isailalim ang probinsiya sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) with some restrictions o kaya ay Modified ECQ with heightened restrictions.

Sa isinagawang virtual meeting ng Bulacan COVID-19 Provincial Task Force noong Huwebes, nabatid sa report ni PTF Response Cluster Head Dr. Hjordis Marushka Celis, apat na kaso na ng Delta variant sa lalawigan ang naitala at ito ay mula sa bayan ng San Ildefonso, Sta. Maria, Plaridel at sa Lungsod ng San Jose Del Monte.

Ayon kay Celis, simula Hulyo 27 ay nagsimula nang tumaas ang COVID cases sa probinsya na mula sa 600 ay biglang tumaas at umabot na sa 2,291 active cases o 23% high.

Labis na nangamba si Gov. Fernando kaya nais irekomenda ang lalawigan na isailalim sa ECQ o kaya naman ay MECQ kasama ang National Capital Region (NCR) at iba pang probinsiya na nasa nasabing quarantine category.

Sa pinakahuling ulat, ang may pinakamataas na kaso sa Bulacan ay ang Malolos City na mayroong 357 cases; City of San Jose Del Monte, 232 cases; Meycauayan City, 207 cases; at sinundan ito ng bayan ng Guiguinto, 195 cases; Calumpit, 180 cases, at Sta. Maria, 150 cases. (ELOISA SILVERIO)

186

Related posts

Leave a Comment