MGA SUNDALO IKINALAT PARA SA ECQ IMPLEMENTATION

NAGPAKALAT ng mga sundalo ang Armed Forces of the Philippine- Joint Task Force – National Capital Region (JTF-NCR) para ayudahan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagpapairal ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa kalakhang Maynila.

Ayon kay Army Capt. Prad S. Adoptante, JTF-NCR Public Affairs Officer, nag-deploy sila ng sapat na pwersa para tumulong sa dalawang linggong implementasyon ng ECQ sa Metro Manila para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19 Delta variant.

Nabatid na may 500 JTF NCR, AFP personnel na binubuo ng Ground Task Group (GTG), Naval Task Group (NTG) at Air Task Group (ATG) ang ipinakalat para tumulong sa Philippine National Police.

Magiging katuwang din ng mga kagawad ng PNP-NCRPO ang mga sundalo sa pagmamantina ng Quarantine Control Points (QCPs) at border areas sa rehiyon.

May mga JTF-NCR personnel din ang naka-deploy sa ilang IATF quarantine facilities sa Cities of Manila (Ninoy Aquino Stadium and Rizal Memorial Coliseum) at Parañaque (Solaire-PAGCOR Mega Quarantine Facility) para tiyaking nasusunod ang itinakdang protocols and proper monitoring ng isolated individuals.

Sa pakikipag-ugnayan sa MMDA at DOTr, naglunsad din ang JTF NCR ng “Libreng Sakay” operations sa major routes ng SM Fairview hanggang Quezon Ave via Commonwealth (vice versa); Gil Puyat LRT 1 to Quezon Ave via Taft Ave and España (vice versa); at SM Masinag to Cubao MRT via Marcos Highway (vice versa) para sa Authorized Persons Outside Residence (APOR) na naapektuhan ng lockdown.

Bukod dito, gumagala rin ang mga tauhan ng JTF-NCR at 11th CMO Battalion sa iba’t ibang barangay para makatulong sa pagpapatupad ng ECQ regulations sa NCR.

Noong Biyernes pinasimulan ang dalawang linggong enhanced community quarantine sa Metro Manila.

Ipinatupad ang lockdown sa Metro Manila dahil tumataas na naman ang mga kaso ng COVID-19 lalo na ang Delta variant.

Dahil nasa ECQ ang Metro Manila, tanging ang authorized persons outside residence ang pinapayagang makatawid sa ibang siyudad. (JESSE KABEL)

374

Related posts

Leave a Comment