PARA SA MAY PERA NA LANG ANG EDUKASYON

NAGSIMULA na ang online-classes ng mga ­pribadong paaralan noong Agosto 2, para sa school year (SY) 2021-2022 na mas maaga ng 5 linggo kaysa ­pampublikong pa­aralan dahil magsisimula pa lamang sila sa Setyembre 13.

Hunyo pa lamang ay tumatanggap na ng ­enrollees ang private schools at kahit nasa gitna ng pan­demya, marami-rami pa ring enrollees dahil siguro, nais siguraduhin ng kanilang mga magulang na may matutunan ang kanilang mga anak.

Kahit nabawasan ang income dahil sa pandemya na dulot ng pagtatago ng China ng impormasyon sa COVID-19 kaya kumalat na parang apoy sa buong mundo ang virus na mula sa kanilang bansa, ayaw isakripisyo ng mga magulang ang kalidad ng edukasyon ng kanilang mga anak.

Sa private schools, hindi self-learning ­modules ang gamit ng mga estudyante kundi textbooks talaga na kasama sa kailangan nilang bayaran bago ma-enroll ang kanilang mga anak.

May specifications na itinatakda sa laptop na gagamitin ng mga estudyante sa kanilang online classes at nagtatakda rin sila ng lakas ng internet connections para hindi mabalam ang kanilang klase.

Masyadong mahal pero dahil ayaw isakripisyo ng mga magulang ang kalidad ng edukasyon ng kanilang mga anak ay talagang ginagastusan nila dahil kinabukasan ng mga bata ang nakataya rito.

Hindi ko tuloy maiwasan na itanong sa sarili ko: Talaga bang para sa mga may kaya ang edukasyon ngayon lalo na ngayong panahon ng pandemya na bawal pa ang face to face classes?

Hindi tulad ng mga estudyante sa mga pribadong paaralan, halos walang natutunan ang mga nasa pampublikong paaralan. Bakit? Dahil wala silang internet connection.

Mga mobile data lang ang kanilang gamit na alam naman natin na limitado ang oras ang paggamit kaya nawawala sila sa gitna ng online class nila kaya papaano sila matututo?

Paano ‘yung mga walang pang-load para magkaroon ng data? ­Marami akong kilalang mga bata na pinatigil na lang ng kanilang mga magulang sa pag-aaral dahil sa hirap sa buhay. Sabi nga nila, pagkain nga namin kapos, bibili pa kami ng cellphone?

Puro modules lang din ang gamit ng mga ­estudyante sa public schools hindi tulad ng mga nasa pribadong paaralan na libro talaga at marami na tayong narinig at nakitang errors sa modules.

Hindi rin nangyayari na isang estudyante, isang ­module dahil sa ­probinsya, naghihiraman ng modules ang mga bata sa kanilang mga kaeskuwelang kapitbahay o barkada sa kanilang klase.

Dahil d’yan, napag-iiwanan ng mga estudyante na anak ng mga may kaya sa buhay ang anak ng mga mahihirap at walang ­kakayanan sa buhay dahil sa sistema ng edukasyon ngayon sa ating bansa na epekto ng COVID-19 na hindi kinontrol ng China.

Kawawa ang mga iskolar ng bayan. Libre nga ang pag-aaral pero wala naman silang natutunan. Paano na lang ang kinabukasan nila kung hindi gagawa ng paraan ang mga kinauukulan na ibalik na kahit papaano ang online classes lalo na sa mga lugar na hindi naman malala ang pandemya.

Produkto ako ng public schools pero noong panahon namin, kokonti lang ang mga estudyante, maghapon ang klase at kumpleto ng textbooks kaya nakasasabay kami sa mga nasa pribadong paaralan pero ngayon nabaliktad na ang kuwento…anak na lang ng mga may kaya sa buhay ang nagkakaroon ng de kalidad na edukasyon!

206

Related posts

Leave a Comment