CONGRESSIONAL MEDAL HANDA NA SA MEDALISTS SA TOKYO OLYMPICS

MADADAGDAGAN ang medalya ng mga Pinoy boxer medalist sa Tokyo Olympic dahil sasabitan ang mga ito ng “Congressional Medal of of Distinction” pagbalik ng Kongreso sa kanilang sesyon.

Noong Lunes, inihain nina Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano ang House Resolution (HR) No. 2093 para sa pagkilala sa mga boxer medalist na sina Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Marcial.

Sina Petecio at Paalam ay kapwa silver medalist sa Tokyo Olympics habang bronze naman ang naiuwi ni Marcial.

“Winning a medal at the Olympics was no easy feat as our boxers had to compete against the best athletes in the world. Nesthy, Carlo and Eumir are considered as our national heroes in sports,” ayon sa resolusyon.

Unang nakuha ni Hidilyn Diaz ang nasabing parangal noong 2016 matapos makapag-uwi ng silver medal sa weightlifting competition sa Rio Olympics.

Espesyal din ang pagtingin kay Petecio dahil siya ang kauna-unahang Pinay boxer na nagkaroon ng medalya sa nasabing sport sa Olympics na dati ay para lang sa mga lalaki.

Nauna nang inaprubahan ang resolusyon sa Kongreso para gawaran ng “Congressional Medal of Excellence” si Diaz na kauna-unahang Pinoy Olympian na nag-uwi ng gintong medalya.

Ito na ang pinakamataas na parangal na igagawad ng Kongreso sa mga atletang Pinoy.

“The award will immortalize the achievements of Olympic gold medalists and give them a legacy to leave behind by providing future generations with inspirational lessons that they can take to heart,” ayon pa sa resolusyon. (BERNARD TAGUINOD)

204

Related posts

Leave a Comment