“HINDI ako naniniwala na matatanggal ang weight-lifting sa IOC, or sa Olympics. Kasi nga, matagal na ‘yung sports. Kailangan lang talaga ng reform, at may ginagawa ang IWF.”
Ito ang reaksyon ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz, hinggil sa mga naglalabasang balita na posibleng tanggalin sa kalendaryo ng 2024 Paris Olympics ang weightlifting bunga ng doping scandals.
Sa PSA online Forum kahapon, sinabi ni Diaz, ang kauna-unahang atletang Pilipino nag-uwi ng gintong medalya sa Olympics, naniniwala siyang may weighlifting pa rin sa Paris Games.
“Ang alam ko, matutuloy ‘yan. Meron pa rin ‘yang weightlifting. Imposibleng wala,” ani Diaz, na kasamang dumalo sa virtual forum ang kapwa medalist na sina boxers Nesthy Petecio, Carlo Paalam, at Eumir Marcial.
Matagal nang nababalot ng kontrobersya ang weight-lifting, pero, kumpiyansa si Diaz na hindi ito aalisin sa Olympic Games dahil matagal nang panahong kasali ito, na nagsimula pa bilang athletics event noong 1896.
“Siguro, may mga reform lang na kailangang gawin ang IWF,” dagdag ni Diaz. “And ayun nga, pag-usapan ‘yan ng IWF and IOC.”
Ayon pa kay Diaz, posibleng malimitahan na lang ang bilang ng mga atletang kasali sa events bilang bahagi ng reporma.
“Siguro may mga quota lang ‘yan. Kasi balita ko noong last year, 120 quota na lang. So magiging mas mahirap ang qualifying, mas mahirap ‘yung, 120 quota, maliit lang ‘yun sa amin,” komento pa ni Diaz. (VT ROMANO)
153 