Paano pinahanga ng ‘Islanders’ ang mga Aleman sa 1936 Olympics

Ni EDDIE ALINEA

MALIBAN sa Pilipino trackster na si Miguel White, nakibahagi sa karangalang natamo ng Amerikanong sprinter na si Jesse Owens sa XI Games of the Olympiad – may limang gintong medalya noong 1936 sa Berlin – ang pambansang koponan sa basketball ng Pilipinas, na umani rin ng papuri at paghanga sa crowd sa Germany.

Ang Bikolanong si White, tubong Legaspi City sa Albay, ay sinorpresa ang mga manonood at maging kanyang mga kalaban nang maibulsa ang bronze medal sa 400 metrong hurdles, kaisa-isang medalyang nai-uwi ng 28 atletang delegasyon sa nasabing taon.

Ang ating mga basketbolista, sa pangunguna ng noon ay future senator na si Ambrosio Padilla ay nanalo ng apat sa lima nilang laro upang tumapos lamang na panlima, sa halip na silver medal.

Dahil sa nakalilitong format ng kompetisyon, nabigong ­makakuha ng medalya ang koponan sa isport na naging ­pinakapaborito ng sambayanang Pilipino. Sa ­kabila nito, panalo pa rin ang mga Pilipino sa puso ng Berlin fans na silang ­’Islanders’ sa dahilang ang Pilipinas ay isang kapuluang ­napaliligiran ng maliliit na isla.

Isang araw habang ang koponan na binubuo nina Padilla, Jacinto “Jumping Jack” Ciria Cruz, Primitivo Martinez, Charles Borck, Jesus Marzan, Franco Marquicias, Fortunato Yambao, Amador Obordo, Bibiano Ouano at Johnny Worrel ay sakay ng bus para mamasyal, dalawang may edad nang babae ang sumakay rin sa bus.

Dahil kaugalian ng mga ­lalakeng Aleman ang hindi pagbibigay ng kanilang upuan sa mga babaeng pasahero, bata man o matanda, lalo’t puno na ang sasakyan, tumayo ang mga Pinoy ballers para makaupo ang dalawang babae, na nagulat sa pagkamaginoo ng mga Pilipino.

Ang magandang kaugaliang ito ng Islanders ay kumalat sa apat na sulok ng Berlin at ‘di nagtagal ay naulat sa mga pahayagan sa Germany at natalakay pa sa editorial page ang kabaitan at pagiging magalang ng mga Pinoy. Kaya kahit saan magtungo ang Islanders ay magiliw silang nilalapitan ng mga Aleman at iba pang nasyonalidad para magpa-picture kasama sila o magpa-autograph.

Ang ilang nabubuhay pang ­miyembro ng 1936 Berlin Games noong 1970s kabilang sina Padilla, Marquicias, Borck, Martinez at Coach Dionisio “Chito” Calvo ay tuwinang ginugunita ang magandang karanasang iyon tuwing nagkikita sila sa Rizal Memorial Sports Complex, na anila’y bumago rin sa pananaw sa basketball.

Kuwento ni Marquicias, isang araw habang nakikipag-inuman sa mga atleta, coach at media sa Memorial Café sa tapat ng RMSC Coliseum: “During the Berlin Games, both teams had to jump ball at center after every shot was made. This put the shorter team on the disadvantage as almost always the tall team got the jump off. Today, teams are made to jump ball only at the start of the first half and second half and if two ­players get their hands on the ball at the same time for a few seconds during the contest.

“There was no time out ­during a game and a player must have the endurance of a horse to last a full route. If a player was substituted during a game, that player was not allowed to come back to the game for the rest of the match.”

200

Related posts

Leave a Comment