BATANGAS – Lubhang nababahala ang mga residente ng Barangay San Andres Uno, sa bayan ng Bauan sa pananatili ng barkong una nang napaulat na may lulang 28 kataong positibo sa COVID-19 sa karagatang sakop ng kanilang bayan.
Hiling ng mga residente, ilayo – kung hindi man alisin ang barkong M/V St. Anthony de Padua ng 2Go mula sa karagatang sakop ng kanilang bayan. Anila, hindi na mapanatag ang kanilang kalooban mula nang dalhin ito doon ng Philippine Coast Guard.
Maging ang lokal na pamahalaan ng Bauan, hindi din pabor sa pananatili ng nasabing sasakyang pandagat lalo pa’t wala umanong pahintulot sa kanila ang pagdating ng barko sa kanilang nasasakupang bahagi ng karagatan.
Gayunpaman, nilinaw ng LGU na bagama’t handa silang tumulong ay wala umanong green lane ang Bauan Port kaya hindi pwedeng magsakay at magbaba ng mga pasahero sa nasabing daungan.
Ang agam-agam ng LGU, problema kung paano tutugon sa barko kung magkakaroon ng emergency situation. Wala rin umanong ibinibigay na contingency at action plan sa kanila ang pamunuan ng 2Go.
Ayon pa sa lokal na pamahalaan, health and safety din ng mga residente ang prayoridad ng LGU kaya dapat lisanin na lang ng barko ang lugar.
Sagot naman ng Philippine Ports Authority (PPA) naghahanap na sila ng ibang lugar.
Sinuspinde na rin ng Maritime Industry Authority o Marina ang Passenger Ship Safety ng barko habang pinadalhan na rin ng show cause order ng PPA ang pamunuan ng 2Go.
Pinagpapaliwanag sila kung bakit nakapagbaba ng dalawang crew na walang pahintulot at bumiyahe pa papuntang Caticlan ang barko gayung hindi pa lumalabas ang resulta ng swab test ng dalawang tripulante na kalaunan ay nagpositibo.
Umabot na sa 211 ang mga pasahero na kasama sa contact tracing, kabilang ang 134 na pasaherong bumaba sa Caticlan at 77 pasaherong bumaba sa Batangas Port.
Dagdag pa ng PPA, isa sa mga pasaherong bumaba sa Batangas Port ay nagpakita na ng sintomas ng COVID-19.
Umaapela na ang Batangas Inter-Agency Task Force sa mga naging pasahero ng M/V St. Anthony de Padua na makipag-ugnayan kaagad sa kanila. (CYRILL QUILO)
131 