BUMUO ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng isang task force para hanapin si Investigation Agent I Merton T. Fesway na pinaniniwalaang biktima ng pagdukot kamakailan.
Nilagdaan ni PDEA Director General Wilkins M. Villanueva ang isang Agency Order para sa pagbuo ng “Task Force Fesway,” isang 24-man intelligence and investigation team, para sa pagpapabilis ng paghahanap sa nawawalang anti-drug operative.
Si Fesway, 38-anyos na tubong Samoki, Bontoc, Mountain Province, ay nakatalaga sa PDEA Regional Office III Pampanga Provincial Office sa Angeles, Pampanga.
Siya ay iniulat na nawawala simula noong gabi ng Hunyo 25, 2021.
Base sa initial investigation, si Fesway ay dapat na makikipagkita sa confidential informant bago ang kanyang pagkawala.
“Hindi kami titigil sa paghahanap hanggang matagpuan namin si Fesway. Umaasa kami na siya ay ligtas at nasa mabuting kalagayan,” ani Villanueva. (JOEL O. AMONGO)
153 