LIMA ang patay sa COVID-19 sa tatlong lungsod sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area, ayon sa ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.
Dalawa ang itinumba ng pandemya sa Valenzuela City noong Agosto 13 at 1,227 naman ang active cases matapos na 127 ang gumaling ngunit 156 naman ang nagpositibo sa virus.
Pumalo na sa 23,641 ang mga tinamaan ng COVID sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 21,828 na ang gumaling.
Dalawa rin ang namatay sa Malabon City sa nasabing petsa at pumalo na sa 496 ang COVID casualties ng lungsod, habang 124 ang nadagdag na confirmed cases. Sa kabuuan ay nasa 15,240 ang positive cases sa siyudad, 811 dito ang active cases.
Habang 57 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 13,933 ang recovered patients ng lungsod.
Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Ibaba dahil isa sa kanila ang muling nagkaroon ng COVID-19. Mula 425 ay magiging 424 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Ibaba.
Isa namang COVID patient ang binawian ng buhay sa Navotas City. Hanggang 11:59 pm noong Agosto 12 ay 401 na ang pandemic fatalities sa lungsod at 1,162 ang active cases matapos na 126 ang nahawaan at 33 lamang ang gumaling.
Umabot na sa 12,687 ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at sa nasabing bilang ay 11,124 na ang gumaling.
Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Caloocan City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)
