Tsuper iniipit ng LTFRB AYUDA PALIT SUPORTA SA 2022?

(BERNARD TAGUINOD)

MAY paliwanag sa likod ng patuloy na pagkabalam sa pagre-release ng ayuda para sa mga tsuper at hinala ng isang kongresista, sadyang iniipit ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang magamit ng administrasyon sa darating na halalan.

Obserbasyon ni Bayan Muna partylist Rep. Ferdinand Gaite, tila may pattern ang gobyerno sa ginagawa nitong pag-ipit sa pondong laan bilang ayuda sa mga

benepisaryong apektado ng COVID-19 pandemic ngayong taon.

Aniya, plano ng administrasyong ibigay ito sa 2022 kasabay ng kampanya paparating na halalan.

“Hinihintay yata nila ang 2022. Partikular dito sa LTFRB, they’re saying they will return the unused funds, and then ask for them again in 2022. Sa 2022 pala nila planong mamudod ng ‘ayuda.’ At alam naman nating lahat kung anong meron sa 2022,” ani Gaite.

Hindi lamang aniya ang ayuda ng mga tsuper ang iniipit aniya ng gobyerno kundi ang mga benepisyo ng mga medical frontliners dahil hindi ginamit ng Department of Health (DOH) ang pondo para sa mga ito, batay na din sa inilabas na ulat ng Commission on Audit (COA).

Base sa report ng COA umaabot sa P11.89 Billion na pondong hindi ginamit ng DOH na laan sana sa pagbili umano ng mga health supplies and equipments at pambayad sa mga health workers.

Natuklasan ding isang porsyento lang sa P5.58 billion na ayuda sa mga tsuper na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya ang nagamit ng LTFRB gayung kitang-kita naman ang pamamalimos ng mga ito sa lansangan.

“Nagmakaawa ang mga tsuper para sa ayudang hindi dumating, iyon pala may pondo pero iniipit lang ng ahensya,” ayon sa solon.

Dahil dito, lalong naghihinala ang mambabatas na sinasadya ang pang-iipit sa tulong sa mga naapektuhan sa pandemya at gamitin ang mga pondong hindi nagamit ngayong taon at ibuhos ito sa panahon ng halalan sa 2022.

“Mukhang hindi pala tungkol sa pandemya iyong tagline nila na ‘Laging Handa,’ tungkol pala yata iyon sa 2022 elections,” pasaring pa ng progresibong mambabatas sa gobyerno.

Pinuna rin
sa Senado

Samantala, binatikos din ni Senador Nancy Binay ang LTFRB sa pagiging hindi makatao sa mga ordinaryong driver ng mga pampasaherong sasakyan.

Giit ng senador, malaki ang dapat na pananagutan ng LTFRB sa sinapit na pagdurusa ng mga driver dahil sa kapabayaan ng mga ito.

Dismayado si Binay sa kawalan aniya ng puso ng pamahalaan na bayaran ang Service Contracting Program na pinasok ng LTFRB sa public utility drivers.

“Mahigit nang isang taong pinagkakaitan ng ayuda ang mga kapatid nating mga namamasada. The DOTr and the LTFRB are invisible, and have become the single-biggest job stranglers since the start of the pandemic. Bigyan naman sila kahit konting dignidad sana. Tinanggalan na ng pasada, pinagkaitan pa ng ayuda,” giit ng senador.

Una nang inatasan ng Commission on Audit (COA) ang LTFRB na magpaliwanag kung bakit 1 porsiyento lamang o katumbas ng P59 milyon ng P5.58 bilyong pondo ang inilaan sa benepisyo ng mga driver sa ilalim ng Service Contracting Program.

Tanging 29,800 drivers o 49.79 porsiyento ng 60,000 targeted driver participants ang nagparehistro sa nasabing programa noong 2020. (May dagdag na ulat si NOEL ABUEL)

111

Related posts

Leave a Comment