BATANGAS – Nagnegatibo na sa COVID-19 ang 21 sakay ng St. Anthony de Padua ng 2Go habang apat na pasyente pa ang nagpapagaling matapos ang dalawang linggong quarantine sa barko na naka-angkla sa bayan ng Bauan sa lalawigang ito.
Ayon kay Chief for Safety Operations and Designated Person Ashore Larsen Padua, wala nang sintomas ang mga dinapuan ng coronavirus habang dalawa na lamang umano ang nakararanas ng bahagyang pag-ubo.
‘Pag natapos na aniya ang quarantine sa Agosto 22, dadalhin na ang mga pasyente sa isang accredited facility.
“We are preparing for a stand-down facility where our patients will remain once they are released from quarantine aboard the ship,” dagdag pa ni Padua.
Mananatili sa barko ang ilang key personnel upang tugunan ang operasyon habang ang ilan naman ay maaari nang makauwi sa kanilang tahanan.
Naglagak na rin ng maiinom na tubig at ilang supply na kinakailangan sa barko noong nakaraang Sabado.
Nakikipag-ugnayan na rin sa Regional Task Force Against COVID-19 ng Calabarzon upang matugunan ang ilang pangangailangan at masiguradong mapigilan ang pagkalat ng virus.
Matatandaan, dalawang crew nito ang agad na nakaramdam ng mga sintomas ng COVID-19 at agad na nagpagamot sa Batangas City.
Bumiyahe ang barko patungong Caticlan. Ngunit pagbalik noong Agosto 3 sa Batangas Port kung saan lulan ang 70 pasahero, ay nakaramdam na ng mga sintomas ang 25 sakay nito na nagpositibo sa COVID-19. (CYRILL QUILO)
197 