PINUNA ni Senador Win Gatchalian ang aniya’y mistulang pagwawalang-bahala ng mga opisyal ng Department of Energy (DOE) na maiwasan ang pagkakaroon ng rotational brownout sa darating na eleksyon kahit batid ng mga ito ang posibilidad ng manipis na suplay kung kailan isasagawa ng 60 milyong Pilipino ang pagboto ng mga bagong liderato sa lokal at pambansang antas.
“This is unacceptable! Kaya tayo merong DOE ay para siguraduhing meron tayong kuryente mula umaga hanggang gabi. Isa lang ang trabaho ng DOE, yan ay siguraduhin na may kuryente tayo. So, it’s unacceptable na even an iota or possibility of brownouts during the election period ay hahayaan nilang mangyari. It’s their job to address that situation,” pagdidiin ni Gatchalian.
Dismayado ang Senate energy committee chairperson sa mga naging pahayag kamakailan ni DOE Secretary Alfonso Cusi kung saan hindi naging malinaw kung masisiguro ng mga kinauukulan ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente kahit na may pagtataya na sila ngayon pa lamang ng posibleng kakulangan sa mismong araw ng halalan at mga kasunod nitong mga araw sa Mayo ng susunod na taon.
Aniya, dapat ngayon pa lang ay naglalatag na ng mga hakbangin at naghahanap na ng solusyon ang DOE upang maiwasan ang pagkakaroon ng brownouts pagdating ng halalan.
“Importante na proactive tayo. Nakita natin na tuwing summer may ganitong banta so as early as now gumagawa na tayo dapat ng paraan. For example, pinaka mabilis diyan ay scheduling. ‘Yung ating mga planta dapat ngayon pa lang nire-repair na nila, kumuha na ng spare parts, ayusin na nila para pagdating ng summer, tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente,” giit ni Gatchalian.
“Alam naman natin na pagdating ng March ay maraming nagme-maintain ng planta at marami ring nasisira. Kaya dapat ngayon pa lang pinapalitan na ang spare parts at agahan ang pagme-maintain para hindi umabot uli sa summer season,” dagdag pa ng senador.
Bago matapos ang taon, sinabi ni Gatchalian na magsasagawa ang Senate Energy Committee ng pagdinig sa mga isyu ukol sa bagay na ito upang masiguro ang kahandaan ng sektor ng enerhiya sa darating na eleksyon.
“We do not want any cloud of doubt pagdating sa automated elections natin.
‘Yan ang mga typical sources ng pagdududa, yung brownout at walang kuryente,” ani Gatchalian patungkol sa integridad at tamang resulta ng eleksyon sa ilalim ng automated system na inaatas ng umiiral na batas. (ESTONG REYES)
203 