NAKUMPIRMA sa RT- PCR test na positibo si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa COVID-19, ayon sa resulta nito.
Ayon sa pahayag ng DOLE, naka-self-quarantine sa kanyang bahay sa Ilagan City ang kalihim na isang ‘asymptomatic case’.
Nananatiling malakas umano ang katawan ni Bello na sa kabila na nasa ‘isolation’ ay gagampanan pa rin ang tungkulin sa DOLE sa pamamagitan ng online.
Hindi naman matukoy kung saan nahawa ng virus ang kalihim na patuloy sa pagtanggap ng mga bisita at opisyal sa kanyang tanggapan at pag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa para sa pamamahagi ng tulong-pinansyal sa mga miyembro ng pormal at impormal na sektor sa paggawa na naapektuhan ng pandemya.
Dahil dito, pinaalalahanan ni Bello ang publiko na tulad niya ay hindi ligtas ang lahat sa COVID-19 kaya kailangan ng pakikiisa ng lahat sa pagsunod sa ‘minimum health protocols’ upang hindi na kumalat pa ang virus.
Samantala, kahit kumpleto na ng bakuna, nagpositibo pa rin sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 si dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin.
Ito ang kinumpirma ni Garin sa mga mamamahayag sa Kamara nitong Miyerkoles, matapos sumailalim sa RT-PCR test o swab test nang makaranas ng mild symptoms tulad ng sipon, ubo, lagnat at panginginig ng katawan.
“Despite following the minimum health protocols and being extra cautious, I tested positive for COVID-19,” ani Garin.
“It is fortunate that I am fully vaccinated. I can sleep soundly with the hope that this will not be severe despite my pre-existing conditions: asthma, hypertension and Raynaud’s disease,” dagdag pa ng mambabatas.
Hindi sinabi ng mambabatas kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang naiturok sa kanya subalit base sa ilang impormasyon, Sinovac na gawang China ang bakuna ng mambabatas.
Sa ngayon, naka-home quarantine ang mambabatas dahil ito ang inirekomenda ng kanyang doctor lalo na’t mild symptoms lamang ang kanyang nararamdaman.
“Hindi naman apektado ang aking pang-amoy at panlasa. Ngunit under strict monitoring pa rin dahil ako ay tachycardic (mabilis na pagtibok ng puso),” ayon pa sa mambabatas.
Walang updated report ang liderato ng Kamara kung ilang mambabatas na ang nagkaroon ng COVID-19 subalit mahigit isang dosena na ang tinamaan ng nasabing virus mula noong 2020 kabilang ang tatlong solon na binawian ng buhay.
Hindi rin nagbigay ng impormasyon ang liderato ng Kamara kung ilan na sa mga empleyado ng Kapulungan ang nagkaroon ng COVID-19 at maging ang bilang ng mga namatay ngunit kamakailan lamang ay namatay ang chief of staff ni House Majority Leader Martin Romualdez.
“Bago ang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 26, umabot sa 46 ang active cases sa Kamara. (RENE CRISOSTOMO/BERNARD TAGUINOD)
179 