Hinihinalang ipinuslit sa bansa 4 CHINESE YACHT NASABAT

NASABAT ng pinagsamang pwersa ng Task Force Aduana ng Bureau of Customs (BoC) at ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat na yate na hinihinalang ipinuslit mula sa China habang naka-angkla ang mga ito sa Manila International Container Terminal (MICT) Pier sa Maynila noong Huwebes, Agosto 19, 2021.

Bukod sa nabanggit na mga yate, sakay sa sasakyang-pandagat ang anim na tripulanteng Pilipino na nagbabantay sa mga ito.

Kinilala ang mga ito na sina Yue Hai Ming Zhu boat captain Angelo Casimero, Jerryco Magno, Lee Boss boat captain Rio Mar Hormillosa, Albert Casimero, Christian Joy Blancaflor, at Benedicto Calinyao.

Nabatid na ang nabanggit na crew ng apat na smuggled Chinese yacht ay galing pa sa isla ng Boracay.

Ayon sa report, tinungo ng mga operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Coast Guard Intelligence Group (CGIG) ang apat na yate para inspeksyunin dahil sa kahina-hinalang pagsulpot ng mga ito sa naturang pier noong magkasunod na petsa ng Agosto 18 at Agosto 19.

Bukod sa dalawang yate na Yue Hai Ming Zhu at Le Boss, ay Gu Cheng Gang Guan at Yuzhen 8 ang pangalan ng dalawa pa.

Isang Chinese-Filipino na si Cristo Uy ang napasugod sa lugar ng inspeksyon at agad itong nagpakilala bilang corporate secretary na namamahala sa naturang mga yate.

Nang kuwestiyunin hinggil sa mga dokumento ay walang maipakita si Uy sa mga awtoridad kaya naman kinumpiska ng customs ang apat na Chinese yacht.

Isasailalim sa Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang mga yate habang patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso. (JG TUMBADO)

305

Related posts

Leave a Comment