HINDI bababa sa 150,000 healthcare workers ang hindi pa rin nakakatanggap ng kani-kanilang special risk allowances (SRA), ayon kay House Assistant Majority Leader Niña Taduran.
Sa isang pahayag, lubos din ang pagkabahala ni Taduran sa aniya’y napipintong pagguho ng healthcare system sa bansa kung hindi maawat ang tangkang mass resignation ng mga medical frontliner dahil sa kawalang aksyon ng Department of Health sa kanilang panawagan kaugnay ng kanilang nakabinbing SRA.
Sa pagdinig ng Kamara, ipinagtanggol din ng kongresista ang aniya’y haligi ng Philippine healthcare system. Aniya, malaking kabawasan sa puwersa ng healthcare workers na nasa gitna ng giyera kontra pandemya ang nakaambang pagbibitiw ng mga ito sa kanilang trabaho dahil ang benepisyo na para sa mga ito ay hindi ibinibigay ng DOH kahit may pondo na para dito.
“Hindi katanggap-tanggap na halos dalawang taon na ang pandemya, ang mga nars na ito ay hindi pa rin nakakakuha ng kanilang benepisyo sa ilalim ng isinabatas na Bayanihan Act, ang katugunang pampinansyal ng pamahalaan sa sitwasyon sa harap ng Covid 19,” ani Taduran.
Nabatid na malaking bilang ng mga healthcare workers na hindi pa nakakatanggap ng SRA na P5,000 kada buwan ay mula sa mga pribadong pagamutan .
“Ang mga nurses ang nasa harapan ng laban sa pandemya. Sa katunayan, sila ang madalas na personal na kasama ng pasyenteng may Covid.
Ilang nurses na rin ang nabalitaan nating nagka-Covid, lumubha ang kalagayan at ang iba pa nga ay namatay. Bakit hindi maibigay sa kanila ang kakarampot na nga lang na proteksyon sa pamamagitan ng special risk allowance?,” tanong pa ni Taduran.
Dahil dito, kailangang aniyang gamitin na muna ang P18-bilyong nakapaloob sa Bayanihan 2 na hindi pa nagagamit upang mapigilan ang mga Nurse na iwan ang kanilang trabaho at maiwasan ang pagbagsak ng health system sa bansa.
“Nais nating maiwasan ang pag-collapse ng ating health system dahil sa ganitong problema. Alam naman nating hindi matitiis ng nurses ang kanilang mga pasyente at patuloy pa rin nilang tutuparin ang kanilang tungkulin, pero may hangganan din ang kanilang pasensya. Hindi puwedeng bigay lang sila ng bigay na wala namang katapat na dagdag kompensasyon. Give them their dues,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
152 