NATAGPUAN na ang tindahan na pinagbilhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng P1.269 milyong halaga ng hygiene kits kabilang ang sanitary napkins, na kinukuwestiyon ng Commission on Audit (COA), sa lungsod ng Pasay.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, nasa Pasay City pa rin ang MRCJP Construction and Trading ngunit lumipat ng ibang puwesto sa pareho pa ring barangay.
Unang sinabi ng COA na pinuntahan nila ang address ng tindahan sa #80 M. Cornejo Street, Malibay, Barangay 161, Pasay City ngunit hindi ito matagpuan.
Gayunman, napag-alaman umano kay Cacdac na kasama mismo ito sa nakahanap ng bagong pwesto ng MRCJP makaraang personal na nagtungo ang dalawang may-ari nito sa kanilang tanggapan.
Nilinaw pa ng opisyal na hindi umano isang hardware ang MRCJP kundi isang ‘general merchandise trading and supply company’ kung saan mabibili ang kahit anong produkto.
Pinasaringan rin nito ang mga opisyal ng COA na maaaring “nalinlang” dahil sa salitang ‘construction’ sa pangalan ng MRCJP. Ito ay dahil sa dating sangkot nga sa construction business ang kumpanya bago maging general merchandise.
“Nalinlang siguro ang COA sa word na ‘construction’ kasi nandoon ‘yun sa kanilang pangalan,” pahayag ni Cacdac.
Nilinaw rin nito, na per pack ang pagbili nila ng sanitary napkins na nagkakahalaga ng P10-P30 at hindi kada piraso o tingi. (RENE CRISOSTOMO)
182 