ITINANGGI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may korapsyon sa ginawang pagbili ng pamahalaan sa anti-coronavirus masks at face shields, na hayagang kinuwestiyon ng mga mambabatas ngayong linggo.
May ilang senador kasi ang nagpahayag na kulang sa memorandum of agreement nang ilipat ng Department of Health ang P42 bilyong piso sa Department of Budget and Management (DBM).
Tinanong din ng mga mambatatas kung bakit may ilang items ang nabili nang overpriced, kabilang na ang anti-virus masks sa halagang P27 kada piraso at face shields na nagkakahalaga ng P122 kada piraso.
Sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, araw ng Sabado na ang items ay nabili mula Marso hanggang Abril 2020, nang ang presyo ng medical supplies ay tumaas dahil sa kakulangan ng suplay at pagtaas ng demand.
Aniya pa, malinaw niyang natatandaan na ipinag-utos niya kay Health Secretary Francisco Duque III na kaagad bumili ng mga nasabing items.
“I want to make it of record to the public and everybody that I and the Cabinet knew about it. On my order, sabi ko, go ahead and buy the things that you need to fight—pandemic nga e,” anito.
“Sabi ko emergency ito, emergency hanggang ngayon. So just to disabuse the minds of some people about corruption… I suppose that you are barking at the wrong person,” dagdag na pahayag nito.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Trade Secretary Ramon Lopez na ang Pilipinas ay mayroon lamang isang local manufacturer ng mga naturang suplay nang magsimula ang pandemya.
Ang kompanyang ito aniya ay dating exporter at ang lahat ng produkto nito ay “practically exported.”
Aniya pa, ang mga suplay mula sa ibang bansa ay manipis dahil pinagsisikapan din ng mga ito na mapigilan ang kanilang COVID-19 outbreaks.
Ang tela at iba pang materyales na ginamit para sa face mask ay ubos na rin.
“Kung locally magagawa na natin, mataas ang presyo; kung bibilhin din abroad, mataas na rin ang presyo,” ayon kay Lopez.
“The trade and health departments had to set the suggested retail price of masks at P28 per piece,” anito.
“When face shields were eventually required, the supply was also thin. Prices ranged at P60 to P100 for face shields with eye frames, and at P250 to P350 for helmet-type designs, ” dagdag na pahayag ng Kalihim.
Samantala, sa kalaunan ay nag-stabilized naman ang suplay ng naturang produkto at ang presyo sa ngayon ay mababa na. (CHRISTIAN DALE)
148 