MAGSASAKA NG RIZAL NAGPAPASAKLOLO

NANANAWAGAN ang mga residente ng Sitio San Roque, Barangay Pinugay, Baras, Rizal kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan sila sa kanilang lugar na sa kasalukuyan ay nakararanas umano ng harassment mula sa isang nagpapakilalang tagapangalaga ng kalikasan.

Sa panayam ng programang The Observer/Pusong Minero sa DZRJ Radyo Bandido TV, inihayag ng ilang residente ang ginagawang pagbabakod sa kanilang sinasakang lupain ng Masungi Georeserve Foundation, isang multi-awarded environment group.

Tinuran pa ng ilang residente na may 30 taon na nilang sinasaka ang nasabing lupain subalit biglang sinakop at binakuran ng Masungi at hindi na rin sila pinapayagang makapasok para anihin ang bunga ng kanilang mga pananim.

Nitong huli umano, August 27, 2021 dakong 8:00 ng gabi ay umabot na sa sukdulan ang ginagawang harassment ng Masungi matapos pagbabarilin ang bahay ng isang pamilya, mabuti na lamang at walang natamaan.

Dahil dito’y lalong natakot ang mga residente at ngayon ay balot ng pangamba sa kanilang kaligtasan.

Nauna rito, marami na rin umanong mga claimant ng lupain sa Sitio San Roque na saklaw ng Presidential Decree 324 na nagdedeklarang alienable and disposable ang nasabing lupain ang kinasuhan ng Masungi ng mga gawa-gawang asunto.

Ang pinakahuli ay ang pagsasampa ng kasong cyber libel sa ilang residente dahil sa pagpo-post umano ng mga nangyayaring panghaharass ng Masungi.

Nananawagan din ang mga taga Sitio San Roque sa Department of Environment and Natural Resources na ipawalambisa ang Memorandum of Agreement (MOA) ng Masungi at ni dating

Secretary Gina Lopez na nagbibigay laya sa nasabing grupo na makapagtayo ng isang asyendang may sukat na 2,700 ektarya o katumbas ng laki ng lungsod ng Makati.

Hiling din nilang ihiwalay na ang sukat ng lupaing saklaw ng PD324 mula sa kabuuan ng dating sukat ng Marikina Watershed. (FERNAN ANGELES)

266

Related posts

Leave a Comment