MANNY PACQUIAO: THE GREATEST BOXER

NABIGO man na mabawi ang WBA super-welterweight belt mula kay Yordenis Ugas ng Cuba, para sa kolumnistang ito at sa halos lahat ng mga Pilipino, mananatili si eight-division champ Manny Pacquiao bilang ‘The Greastest Boxer’ sa kasaysayan ng isport.

Sabi ng ilang kritiko, ang resulta ng laban nina Pacquiao at Ugas ang magpapatibay sa pamanang iiwan ng Pambansang Kamao. Na para bang ang mga nagawa ng Fighting Senator sa nagdaang mahigit dalawang dekada  ay hindi pa sapat para siya ay ibilang sa mga dakilang boksingero sa mundo.

Sino bang boksingero, maliban kay Pacquiao, ang nanalo ng kampeonato sa walong dibisyon – flyweight, super-bantamweight, featherweight, super-featherweight, lightweight, junior-welterweight, welterweight at super-welterweight?

Lingid sa kaalaman ng ­marami, si Manny ang una at kaisa-isang humawak ng limang lineal championship sa limang kategorya (flyweight, featherweight, super-featherweight, light-welterweight at welterweight). Ang limang lineal titles na ito ay mas higit sa tatlo ni Muhammad “The Great” Ali.

At pangatlo pa lamang na boksingero si Pacquiao na ­nanalo sa tatlong weight division na ­itinuturing na “major” o ­”glamorous” divisions – flyweight, featherweight at welterweight – kasama ang mga maalamat na sina Bob Simmons at Henry Armstrong. Idagdag pa rito ang tatlong pagkilala ng Ring ­Magazine, ang itinuturing na bibliya ng boksing, na nagpatibay sa katotohanang si Manny ay isa kundi man “Greatest Boxers of All Time.”

Para sa kolumnistang ito, si Pacquiao ang dapat kilalaning “Greatest Filipino Athlete,” kung magkakaroon ng ganitong parangal. Ito ay dahil siya ang may pinakamahabang record sa pagbibigay karangalan sa bansa sa kasaysayan ng Philippine sports.

Ang 13 pandaigdig na ­kampeonatong napagwagihan niya bilang professional boxer ay halos katumbas ng 13 Olympic gold medal sa ranggo ng amatyur.

Tatlong beses ding nagawaran si Manny ng “Fighter of the Year” ng Boxing Writers Association of America para pantayan si Ali. Minsan din siyang kinilala  bilang “Fighter of the Decade” ng nasabing samahan ng mga mamamahayag kung saan tinalo niya ang kanyang mahigpit na karibal na sina Floyd Mayweather Jr. at Juan Manuel Marquez, maging sina Bernard Hopkins, Joe Calzaghe, Shane Mosley at Marco Antonio Barrera.

At sa loob ng mahabang taon niya bilang prizefighter, nakasagupa ni Pacquiao ang hindi kukulangin sa 20 dati at kasalukuyang kampeon kabilang sina Lucas Matthysse, Jesse Vargas, Brandon Rios, Marquez, Timothy Bradley, Mosley, Antonio Margarito, Joshua Clottey, Miguel Cotto, Oscar DeLa Hoya, David Diaz, Barrera, Jorge Solis, Erik Morales, Oscar Larios, Jorge Julio, Agapito Sanchez, ­Lehlo Ledwaba, Medgoen Luchapormasak at Chachai Sasakul.

169

Related posts

Leave a Comment