3 MURDER SUSPECTS NALAMBAT SA BASECO

NARESOLBA na ang pagpatay sa isang glass installer makaraang matimbog ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMart) at MPD-Police Station 13, ang tatlo sa apat na mga suspek, kabilang ang mastermind, noong Miyerkoles sa Dubai 1, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Kinilala ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr. ang huling naaresto na si Adlai Futo y Reyes, 34, ng 13D Purple St. ng nasabing lugar.

Habang pinaghahanap ang isa pang suspek na si Saiden Sumagka Jr.

Noong Agosto 21 bandang alas-12:30 ng madaling araw nang maaresto ang suspek din na si John Mark Ongria y Suda, 22, construction worker, ng Block 15, Unit-42, Baseco Compound, Brgy. 649 Port Area, umano’y mastermind sa pagbaril sa biktimang si Efren Castillo, 51, glass installer, at residente sa San Miguel Road, Binondo, Manila.

Arestado rin ang isa pang suspek na si Musa Madrasa y Akmad 31, driver, ng Block 1, Gasangan Baseco, na nagsilbing look-out.

Napag-alaman, binaril ng suspek na si Sumagka Jr. ang biktimang si Castillo noong Agosto 18 sa Block 1, Dubai, Gasangan 1, Baseco Compound ng bandang alas-2:10 ng hapon.

Inamin ng mga suspek ang krimen matapos inguso ng mga testigo.

Pinaghinalaan umano ng mga suspek na ang biktima ang nagnakaw ng isang mamahaling bisikleta.

Patuloy pa rin ang paghahanap ng mga awtoridad sa suspek na si Sumagka na umano’y gunman sa krimen. (RENE CRISOSTOMO)

233

Related posts

Leave a Comment