HINDI dapat paghintayin, bagkus ay ihatid sa kanilang bahay ang ayuda ng national government sa mga residente sa 69 lugar sa Quezon City na isinailalim sa special concern o hard lockdown.
Ito ang panawagan ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor sa Quezon City government upang may pambili ang apektadong mga residente ng kanilang makakain.
Ginawa ng mambabatas ang panawagan matapos makatanggap ng reklamo mula sa apektadong mga residente sa 69 lugar sa Quezon City, kabilang ang Barangay Bahay Toro, na sinabihan umano ng QC officials na maghintay na matapos ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) bago pumunta sa City Hall para kunin ang kanilang financial assistance.
Subalit noong Biyernes, Agosto 20, natapos ang dalawang linggong ECQ sa Metro Manila, ay limitado pa rin ang kilos ng mga tao dahil isinailalim sa Modified ECQ ang rehiyon.
“The affected residents have a more pressing need for their money while they are restricted to their homes than after the lockdown. If they cannot go to city hall because they have to stay home, city hall should bring the money to them. The funds are already available,” ani Defensor.
Ayon sa mambabatas, maaaring dalhin sa kanilang bahay ang ayuda ng city hall personnel sa 69 na lugar sa Quezon City na inilagay sa hard lockdown na kinabibilangan ng mga kalsada, komunidad, cluster of homes, gusali matapos magtala ng maraming kaso ng COVID-19 sa mga lugar na ito.
Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang paglabas ng mga tao at hindi na makikipagsiksikan sa mga lugar kung saan ipinamamahagi ang ayuda mula sa national government na idinaan sa Local Government Units (LGUs), bukod sa konting tao lamang ang kailangan ng city hall sa ganitong operasyon.
“Our personnel should wear personal protective equipment and observe health protocols. They should be escorted by policemen. With a little imagination, city hall can deliver the national government’s ayuda safely to the quarantined residents so they would not have to wait until the end of the month,” mungkahi pa ni Defensor.
Ipinaliwanag ng mambabatas na hindi dapat ibitin ng Quezon City government ang pagbibigay ng ayuda dahil kailangan nila ang perang ito para makabili ng gamot at pagkain. (BERNARD TAGUINOD)
239 