DAHIL sa patuloy na paglobo ng COVID-19 cases sa Metro Manila, nagpasya ang pamunuan ng Philippine National Police na magpatupad ng mas mahigpit na health and safety protocols sa public utility vehicles (PUVs) sa Metro Manila sa gitna ng mga ulat na maraming lumalabag sa pinaiiral na minimum public health standards sa passenger buses at jeepneys.
Kasunod ng babala sa mga operator at driver ng mga PUV hinggil sa strict implementation ng public health protocols, ay naglabas ng direktiba si PNP chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa PNP-Highway Patrol Group (HPG) at iba pang ahensiya na nagbabantay at nangangasiwa sa border control points.
Inatasan ni Gen. Eleazar ang mga pulis, traffic enforcers na nagmamantina ng trapiko at nagbabantay sa control points, na manghuli at mag-issue ng traffic violation tickets sa mga operator at driver ng PUVs lalo na sa National Capital Region at karatig na mga lalawigan ng Bulacan, Laguna, Rizal at Cavite.
Sa kanyang memorandum na inisyu sa director ng HPG at Regional Directors ng NCRPO, PRO3 at PRO4A, Directorate for Operations na pinamumunuan ni Police Maj. Gen. Alfredo Corpus, inutos niya sa PNP personnel na mag-isyu ng Temporary Operators Permit (TOPs), Official Violator’s Receipt (OVR) at Traffic Citation Tickets sa violators.
“This pertains to the reports received by the Directorate (for Operations), which disclosed unabated incidents of overloading, violations of minimum public health standards, and violations of allowed passenger capacity as prescribed by the IATF (Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases) and DoTr’s guidelines committed by public utility buses and jeepneys, particularly in NCR Plus areas,” ayon sa inilabas memorandum.
“We will be very strict in the implementation of this as part of our efforts to contain the spread of the coronavirus. Kaya pinaalalahanan natin ang mga operator at driver ng mga pampublikong sasakyan na umayos kayo kung ayaw ninyong mahuli,” ani P/Gen. Eleazar.
Inihayag pa ni Gen. Eleazar, pagkakalooban ng TOPs, OVRs at TCTs ang mga nagbabantay at nangangasiwa ng QCPs sa Metro Manila at apat na kanugnog na lalawigan dahil trabaho nila na manita ng mga dumaraan na PUVs kung sumusunod sa alituntunin hinggil sa itinakdang capacity at minimum public health standards.
“So, we are appealing to the drivers to ensure that their passengers are complying with these rules dahil kayo ang magdudusa kapag nahuli kayo. Kayo ang boss ng mga bus at jeepney na minamaneho ninyo kaya obligasyon ninyo na tiyakin na sumusunod sa mga patakaran ang inyong mga pasahero,” dagdag pa ni P/Gen. Eleazar.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Gen. Eleazar ang publiko, partikular ang mga residente sa National Capital Region (NCR) at iba pang mga lugar na nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), na mananatili pa rin ang restriction o bubbles policy at hindi pa rin papayagan ang mga indibidwal na makapamili ng basic goods sa labas ng kanilang mga siyudad o municipalities.
Ayon kay PNP chief, mananatili ang checkpoints sa borders at tanging Authorized Persons Outside Residence (APOR) ang maaaring makadaan sa Quarantine Control Points (QCPs). (JESSE KABEL)
174 