EX BI DEPUTY COMM. UMARBOR NG CHINESE SA AIRPORT

ISANG dating deputy commissioner ng Bureau of ­Immigration (BI) na si Atty. Gilberto Repizo ang pinaniniwalaang umarbor kay Commissioner Jaime Morente ng isang babaeng Chinese national na hinarang ang pagpasok sa bansa ng immigration officers.

Si Wang Shifen, 22-anyos, ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong August 18 sakay ng Pan Pacific airlines flight 8Y8301 mula Zhengzhou, China.

Ayon sa exclusion order POD-T3-21-08-021, naging kahina-hinala umano ang invitation letter sa dayuhan ng isang kompanya sa bansa sa kanyang personal na kakayanan upang payagan itong makapasok sa bansa bilang isang tourist. Bukod sa wala rin umano itong maipakitang return ticket kung kaya’t inirekomenda ng immigration officers na sina Ma. Isabel Singson at Glaizel Velazquez na ilagay ito sa excluded passengers at isailalim sa blacklist pagkatapos itong pabalikin sa kanyang point of origin.

Kinabukasan August 19 ay nag-file umano si Repizo ng ‘request for recall’ sa naturang pasahero at kasing bilis ng kidlat ay naglabas ang Office of the Commissioner ng Recall of Exclusion Order No. JHM-2021-391 na pirmado ni Morente na pinapayagan ang pasahero na makapasok na ng bansa kahit itoy idineklara ng immigration officers na isang public charge o magiging pasanin ng gobyerno dahil wala itong kakayanan na manatili sa bansa at pinagbayad na lamang ito ng halagang 4 thousand pesos bilang penalty ng ahensya.

Sa napakaliit na halagang ito na pumasok sa pondo ng pamahalaan ay halos barya lamang ito sa maaaring kinikita ng mga tiwaling opisyales ng ahensya. Bakit pa tayo naglagay sa airport ng immigration officers kung binabalewala lamang ang kanilang hirap at malasakit sa kanilang trabaho?

Nakakapagduda naman na isang araw lamang ay ginawa na agad ang pagbawi sa exclusion ng naturang pasahero ­samantalang ang iba ay inaabot pa ng dalawang buwan sa pagkaka-hold sa airport at ang iba pa ay nabibiktima ng ilang fixer na mismong empleyado pa ng BI na si alias “GL” na umano’y bagyo kay Morente, na imbes na tanggalin sa airport ay inilipat lamang ito sa terminal 1 mula sa kanyang duty sa terminal 3, matapos kotongan ang tatlong Chinese nationals ng P800K na hanggang sa ngayon ay hindi nito naibalik.

Kaugnay nito, Kung kidlat itong si Repizo ay bagyo naman sa Office of the Commissioner ang isang “Heidi” na umano’y mabilis at malakas magpapirma ng recall order. Ayon sa ating source, nakikita umanong nakikipagsabwatan ito sa isang tauhan ng Ocom at iniaabot ang isang paper bag na naglalaman ng malaking halaga ng pera bilang suhol sa loob ng comfort room ng BI upang makaiwas sa CCTV.

Para sa inyong Sumbong at Reaksyon, maaari ninyo akong i-text sa 09158888410.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

529

Related posts

Leave a Comment