SUNOD-SUNOD na sumbong ang aking natanggap mula sa mga OFW na nakatapos na ng kontrata at gustong umuwi sa Pilipinas. Dahil sa napakataas na presyo ng tiket ng eroplano pauwi ng Pilipinas, ay napakaraming mga employer ang hindi pumapayag na umuwi ang kanilang kasambahay.
May ilan pa nga na employer na nagbibigay lamang ng halagang 1,500 Saudi Riyals para pambili ng tiket at ang ano mang kulang ay ipinasasagot na sa kanilang kasambahay.
Pero may mga employer na kasabwat pa ang kanilang ahensya na sobrang tuso na pinatatakas patungo sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang kanilang kasambahay at tinuturaan itong magsinungaling para maisama lamang sa libreng repatriation flight ng ating gobyerno.
Isa na rito si Lea Melido na OFW sa Riyadh, Saudi Arabia. Nakarating siya sa nasabing bansa sa pamamagitan ng PHILCO Human Resources. Tatlong taon na siya sa kanyang employer bilang kasambahay kung kaya siya ay nakiusap sa kanyang employer na payagan na siyang makauwi sa Pilipinas.
Sa loob ng tatlong taon na pagtatrabaho ay malimit na hindi siya binibigyan ng tamang sweldo, sa katunayan ay walong buwan na itong hindi nakatatangap ng kanyang buwanag sahod.
Ayon sa kwento ni Lea, “Tapos po ako ng kontrata po, umabot po hanggang 3 yrs. Kalahating taon po no salary po, total po is 12.500sr. Tapos po, kinausap po ako ng owner ng agency ng Al Safeer, sila na raw magbabayad ng exit visa ko at iqama.
At sila na rin po daw magbibigay ng sahod ko pero ako daw po ang bibili ng ticket ko. Tapos ay inuutusan po ako na magsinungaling sa POLO na sasabihin ko daw po na ang bumili ng ticket ko ang agency ko po. Ang gusto ko lang naman po eh makuha sahod ko at makauwi na po ako sa pamilya ko po, matagal ko na rin po silang hindi nakapiling po. Sana po matulungan n’yo ako maraming salamat po”.
Noong Sabado ay tuluyan nang nakarating si Lea sa POLO na ayon na rin sa turo ng kanyang employer, siya ay sumakay ng taxi at sabihin sa POLO na siya ay tumakas sa employer upang sa ganun ay mapasama siya sa libreng repatriation flight ng ating gobyerno.
Si Lea ay nasa pangangalaga na ngayon ng Overseas Workers Welfare Administration dahil siya ay aking inindorso kay Welfare Officer Racquel Kunting. Ngunit hindi natin palalagpasin sa pananagutan ang kanyang ahensya at ang iba pang ahensya na tinuturuan na tumakas ang mga OFW para lamang makalibre sa pamasahe sa eroplano. Ang sistemang ito ay aking ipararating POEA, DFA at sa OWWA.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
269 