INIULAT ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na naipamahagi na ang P7.9 bilyon mula sa P11.25 bilyong ayuda para sa enhanced community quarantine (ECQ) recipients sa National Capital Region (NCR).
Ani Año, ang naipamahaging ayuda ay may katumbas na 70.29% ng ayuda allocation sa low-income individuals sa Kalakhang Maynila.
Ang Kalakhang Maynila ay inilagay sa ilalim ng ECQ, itinuturing na “strictest health protocol”, mula Agosto 6 hanggang 20 para mapabagal ang hawaan ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) Delta variant na sinasabing mapanganib na kumalat sa buong bansa sa mga nakalipas na linggo.
Dahil sa economic concerns, ang Kalakhang Maynila ay kalaunang inilagay sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) mula Agosto 21 hanggang 31 gaya ng Laguna habang ang Bataan naman ay nasa ilalim din ng kahalintulad na restriksyon mula Agosto 23 hanggang 31.
Sa kabilang dako, sinabi pa ng kalihim na hanggang ngayon ay wala pa ring update ukol sa ayuda distribution sa Bataan at Laguna na isinailalim din sa ECQ noong nakalipas na 2 linggo.
Ang bawat low-income individual sa ECQ hit areas ng NCR, Bataan at Laguna ay binigyan ng P1,000 cash aid habang maximum financial assistance naman na P4,000 sa bawat pamilya. (CHRISTIAN DALE)
157 