NEGROS OCCIDENTAL – Kaawa-awa ang mag-iina nang pagbabarilin ng kanilang padre de pamilya dahil sa matinding selos at pagkaraan ay nagbaril din sa kanyang sarili sa lungsod ng Himamaylan sa lalawigang ito, iniulat ng pulisya nitong Lunes.
Kinilala ang mga biktimang sina Mary Rose Egca, 24; anak niyang isang taon gulang na babae at pitong buwang sanggol na lalaki, habang ang ama ay si Raymundo Diaz, 59-anyos, negosyante, pawang mga residente sa Greenland Subdivision, Brgy. 4, Himamaylan City, Negros Occidental.
Batay sa report ng Himamaylan City Police Station, dakong alas-6:00 ng umaga noong Sabado nang mangyari ang insidente sa bahay ng mag-live-in partner sa naturang lugar.
Ayon kay Police Lt. Col. Romeo Vargas, hepe ng Himamaylan City Police Station, nagpaalam si Egca kay Diaz na pupunta sa bahay ng kanyang mga magulang para roon magdiwang ng ika-24 niyang kaarawan kasama ang mga bata.
Ngunit nagalit umano ang suspek, ipinasok ang mag-iina sa kanilang silid saka isa-isang pinagbabaril sa ulo na naging sanhi ng kanilang agaran kamatayan. Pagkaraan ay nagbaril din sa kanyang sarili ang suspek.
Narinig naman ng kasambahay ang magkakasunod na putok ng baril kaya agad nilang binuksan ang silid ng mag-asawa at bumulaga sa kanila ang apat na nakahandusay at wala nang buhay.
Isinugod ang mga biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Natagpuan ng mga awtoridad sa loob ng silid na pinangyarihan ng insidente ang isang super .38 caliber pistol na pinaniniwalaang siyang ginamit ng suspek sa pamamaril.
Nabatid na madalas na nagtatalo sina Diaz at Egca dahil sa selos at hinalang may ibang lalaking kinalolokohan ang ginang na mas bata kumpara kay suspek. (ANNIE PINEDA)
379
