MAS pinaigting ng PNP Police Regional Office 5 ang kampanya kontra kriminalidad bunsod nang matinding pagnanais na isulong ang mas ligtas at progresibong komunidad sa iba’t ibang lugar sa rehiyong Bicol.
Ayon kay Bicol PNP Regional Director Police Brig. General Jonnel C. Estomo, mas bibigyan ng tuon ang paglulunsad ng iba’t ibang inisyatibo upang supilin ang kasamaan at karahasan sa buong rehiyon.
Patunay rito ang mga natatanging tagumpay na nakamit ng PNP Bicol noong nakaraang linggo, Agosto 15 hanggang 21, 2021 sa kampanya kontra kriminalidad.
Kabilang dito ang kampanya kontra ilegal na droga na 13 ang inilunsad na drug buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa 18 personalidad dahil sa paggamit at pagtutulak ng ipinagbabawal na droga at nakumpiska ang 78.572 gramo ng umano’y shabu na P534, 269.60 ang kabuuang halaga.
Sa pinaigting na kampanya kontra ilegal na sugal, ang PNP Bicol ay nasakote ang 73 katao mula sa 24 operasyon at kabuuang P30, 241 halaga ng ‘bet money’ ang nakumpiska at 14 kaso ang naihain sa korte laban sa mga akusado.
Bilang pagtalima sa PNP Core Value na “Makakalikasan,” binigyan ng pansin ng PNP Bicol ang pagbibigay proteksyon sa natural na yaman ng rehiyon.
Sa pinalawig na operasyon kontra ilegal na pangingisda, 31 ang nahuli sa sampung operasyon na ikinasa at umabot P69,500 halaga ng isda at P293,300 halaga naman ng mga kagamitan ang nasamsam ng mga awtoridad at apat na kasong paglabag sa RA 10654 ang isinampa.
Samantala, dalawa katao naman ang nadakip sa ilegal na pagpuputol ng punongkahoy sa tatlong operasyong inilunsad habang P11,500 halaga ng iba’t ibang uri ng kahoy ang nakumpiska. (JESSE KABEL)
