ISANG linggo makaraan ang pagpaslang sa peryodistang si Gwen Salamida, nanindigan naman ang pamilya at mga kaibigan sa pamamahayag laban sa anila’y tangka ng ilan na ibaon sa limot ang kaso kasabay ng pagkakahimlay sa labi nito sa Manila North Cemetery kahapon.
Naging madamdamin ang tagpo sa himlayan bunsod ng pagkawala ng isang peryodista at nagsilbing advertising manager ng pahayagang SAKSI Ngayon.
Mula sa kanyang tahanan sa Kaingin Road sa Barangay Apolonio Samson, Quezon City ay dinala ng mga nagdadalamhating pamilya, kaibigan at kasamahan sa industriya ang labi ni Salamida patungo sa North Cemetery kung saan siya tuluyan nang inihimlay.
Araw ng Martes nitong nakaraang linggo nang pasukin ng hindi pa kilalang suspek ang salon na pag-aari ni Salamida. Sa testimonya ng mga nakasaksi, pagpasok ng suspek, agad na pinutukan si Salamida na siyang dahilan ng kanyang kamatayan. Sugatan at nagpapagaling naman sa ospital ang isa pang biktima na kinilalang si Oliver Perona.
Ibinasura na ng Philippine National Police ang anggulo ng robbery hold-up dahil wala naman umanong nawala kahit isang pag-aari ni Salamida sa salon kung saan naganap ang pamamaslang.
Ayon kay PNP Chief Guillermo Eleazar, patuloy nilang tututukan ang kaso ni Salamida hanggang sa matukoy at mapanagot kung sinoman ang nasa likod ng pamamaslang.
Agad nitong pinakilos si QCPD Director PBrig. General Antonio Yarra para mabigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima kaya binuo ang Special Investigation Task Group (SITG) Salamida subalit hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling tikom ang kapulisan hinggil sa pangyayari.
Gayunpaman, nanlumo ang mga kasamahan ni Salamida makaraang sabihin ni Undersecretary Joel Egco ng Presidential Task Force on Media Security na hindi nila maaaring pangunahan ang pagsisiyasat dahil wala naman aniyang kinalaman ang insidente sa trabaho ng babaeng peryodista. (TJ DELOS REYES)
201 