SINALAKAY ng pulisya ang isang pinaniniwalaang drug den na nasa liblib na lugar sa bayan ng Subic, Zambales matapos ang drug bust operation, Huwebes ng madaling araw.
Kasabay nito ay nadakip ang target ng operasyon na nakilalang si Manuel Catapang alyas “Batang”, 36 taong gulang at anim na indibidwal na sinasabing mga parokyano nito na sina Ronald Manglicmot, 24; Joselito Baldomar, 48; Michael Dalpaki, 37; Aisa Balani, 24; Nul-Amda Jali Hegman, 33 at Snira Jalil Hamajad, 53.
Ayon kay Police Major Noel Aquino, chief of police sa bayan ng Subic, ang operasyon ay ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU) at Regional Mobile Force Battalion-3 (RMFB3), sa mismong bahay ni Batang sa liblib na lugar ng Sitio Matang-eb, Barangay Cawag, pasado alas-3 ng madaling araw.
Napasok umano ng pulisya ang bahay ni Catapang makaraang bentahan nito ang isang poseur buyer na pulis at doon ay naabutan pa ang mga kasama ng suspek na nasa aktong bumabatak ng shabu.
Bago ikinasa ang operasyon ay may ilang sumbong na rin ang nakarating sa Subic Municipal Police Station (SMPS) sa nangyayaring bentahan ng shabu at batakan sa bahay ni Catapang na nagsisilbing drug den sa lugar.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa loob ng bahay ang nasa 14-gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P90,350.00 at mga drug paraphernalia.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, 6, 7, 13 at 14 ng Republic Act 9165 o ang comprehensive dangerous drugs act of 2002 ang mga suspek. (JG TUMBADO)
175 