DALAWANG Chinese national at isang Filipino driver ang nasagip ng mga operatiba ng Pasay City Police makaraang dukutin at nadakip ang tatlong suspek noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ng Southern Police District Office ang mga biktimang Chinese national na sina Zhu Beibei at Niu Xing Yong, kapwa residente ng Williams St., Pasay City, at kanilang driver na si Rolando Olvido Jr.
Ayon sa ulat mula sa Pasay City Police Office, tumawag sa himpilan ng pulisya at humingi ng tulong ang isang kaibigan ng mga biktima hinggil sa pagdukot sa dalawang Chinese at sa kanilang driver.
Agad nagsagawa ng entrapment operation ang Pasay City Police at nasagip ang mga biktima habang nadakip naman ang tatlong suspek na hindi pa nakukuha ang pagkakakilanlan.
Sa sinumpaang salaysay ng biktimang si Xing Yong, noong Agosto 24 ay kinidnap sila ng isang grupo at pagkatapos ay ipinasa at ibinenta sila sa pangalawang grupo ng tatlong suspek na nahuli ng pulisya bandang alas-8:00 noong Miyerkoles ng gabi.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa posibleng motibo sa pagdukot sa mga biktima. (DAVE MEDINA)
144 