UMANI ng suporta sa grupo ng mga negosyante sa Quezon City ang panukala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na magtalaga ng COVID-19 safe zones kung saan tanging mga bakunado ang papayagang pumasok sa malls, restaurants at iba pang business establishments.
Ayon sa QC Advocates for Responsible Entertainment and Sports + Gaming and Wellness (QCARES+GaW), hindi na kailangan ng batas sa usapin na mga bakunado lang ang papayagang pumasok sa isang establisimyento.
“Any establishment has the right to reject customers. Usapan lang ‘yan walang papel. Dapat police own ranks pero lahat magbukas, sasalain ng biz group,” pahayag ng grupo upang makapagbukas na ang iba’t ibang negosyo anoman ang pinaiiral na community quarantine sa isang lugar.
“Yung walang face mask pwede reject, ano difference ng walang bakuna?” tanong pa ng grupo.
Nauna rito, umapela ang QCARES+GaW sa Inter-Agency Task Force (IATF) na pakinggan sila pagdating sa pagdedesisyon at pagpapatupad ng lockdown dahil sila at kanilang mga tauhan ang labis na naaapektuhan.
Dapat anilang ikonsidera ng IATF na hindi magkakapareho ang mga lugar na kinalalagyan ng mga negosyo.
Naghihimutok ang grupo dahil hindi man lang umano sumasangguni sa kanilang hanay ang IATF para makatulong sa pagdedesisyon sa kanilang pagpapatupad ng mga patakaran na may kaugnayan sa lockdown.
Malaking bagay anila na hindi lahat ng mga negosyo ay isasara kapag nag-lockdown para hindi tuluyang malugmok sa kahirapan ang bansa.
Tinatalakay na ng iba’t ibang ahensya ang panukalang bubble ni Concepcion upang makapagbukas ang iba pang negosyo at maengganyo rin ang mamamayan na magpabakuna.
Gayunman, ang pamunuan ng Philippine National Police at Department of Justice ay naniniwalang magiging discriminatory ang pagpapatupad ng “vaccine bubble” lalo na sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, masyado pang hilaw sa ngayon ang pagpapatupad ng mungkahing “vaccine bubble” o paghihiwalay sa mga bakunado at hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Para naman kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, maganda ang hangarin ni Concepcion na buhaying ang ekonomiya ng bansa pero maaari nitong malabag ang equal protection clause ng mga
hindi pa nababakunahan na sumusunod naman sa mandatory health protocols.
Bukod dito, limitado pa aniya ang suplay ng bakuna sa bansa.
Hindi rin pabor dito si Senador Win Gatchalian, na nagsabing mas maiging ipagpaliban muna ito hangga’t hindi pa nagkakaroon ng sapat na suplay ng bakuna laban sa COVID-19.
“Until such time na marami na ang bakuna at mayroon pa ring mga taong ayaw magpabakuna, siguro maaari na nating pag-isipan ang panukalang ‘yan para maengganyo natin ang lahat na maging bakunado,” dagdag ng senador.
175 