NAHAHARAP sa kasong malversation of public funds ang isang barangay chairman, ang isang kagawad, ang barangay Ex-O, at ang kanilang driver, dahil umano sa paglustay sa Social Amelioration Program (SAP) cash aid at pamemeke ng mga dokumento sa Sta. Mesa, Manila.
Bunsod nito, inaresto ng mga operatiba ng Manila Police District- Special Mayor’s and Reaction Team (SMaRT), kasama ang mga tauhan ng MPD-Station 8, si Mario Simbulan y Ferrales, 73, punong barangay sa Brgy. 608, Zone 61, sa Distrito VI, at residente ng 217-C Bagumbayan St., Sta. Mesa.
Timbog din ang mga kasabwat umano nitong sina Ma. Cristina Zara, 53, kagawad; Isagani Darilay, 42, Brgy. EX-O; at isang John Mark Nagera, 24, driver, pawang mga residente rin sa Bagumbayan St. sa Sta. Mesa.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., hepe ng MPD-SMaRT, nagpasaklolo ang dalawang complainant na sina Jerson Cenisa, 30, at Renerio Salabo, 32, isang store attendant, dahil hindi umano naibigay sa kanila ang ayuda mula sa SAP ng gobyerno para sa ikalawang kwarter ng taon sa halagang P8,000.
Bandang alas-9:20 ng gabi noong Huwebes nang arestuhin ng mga awtoridad ang mga suspek.
Nabatid sa salaysay ng dalawa, nasa listahan naman umano sila ngunit hindi nila natanggap ang kanilang cash aid.
Nakumpiska ng mga pulis mula sa mga arestado ang master list ng beneficiaries at dalawang pekeng identification cards na nakalagay ang pangalan at tirahan ng mga complainant na inisyu ng Brgy. 608. (RENE CRISOSTOMO)
