NAMATAY na ang jail officer na binaril ng dalawang preso sa nangyaring hostage taking sa Marikina City Jail noong Huwebes.
Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) ang jail officer na hindi muna pinangalanan ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay Marikina City Police Office Director Police Col. Benliner Capili, tinamaan ng bala sa tiyan ang biktima na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Isa pang jail officer na binaril din ng dalawang hostage taker ang patuloy na ginagamot dahil sa tama ng bala sa paa.
Base sa ulat, nagsasagawa ng medical check-up ang dalawang nurse ng BJMP sa dalawang preso nang biglang mang-agaw ang mga ito ng service firearm mula sa jail officer.
Agad nagresponde ang mga pulis at nagkaroon ng negosasyon na tumagal ng 30 minuto.
Nang makitang delikado ang buhay ng mga hostage, nakipagbarilan na ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Hanggang sa isinusulat ang ulat na ito ay wala pang inilalabas ang BJMP hinggil sa pagkakakilanlan ng mga napatay sa insidente.
Isa namang nakikitang anggulo kung bakit nangyari ang hostage taking ay ang umano’y tangkang pagtakas ng mga suspek.
Samantala, sinabi ni BJMP spokesperson Jail Chief Insp. Xavier Solda na kasunod ng insidente ay inilagay sa red alert ang lahat ng mga kulungan ng BJMP sa National Capital Region (NCR),
Magkakaroon din ng debriefing ang mga jail officer para maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Ipinag-utos na rin ni BJMP Chief Jail Director Allan Iral ang malalimang imbestigasyon sa nangyaring hostage taking. (JG TUMBADO)
